LPA

LPA na ngayo’y TD Dante, nagpapalakas sa ‘habagat’

359 Views

ANG low-pressure area (LPA) sa silangan ng lalawigan ng Aurora ay naging isang tropical depression (TD) nitong Martes ng hapon at pinangalanang “Dante.”

Taglay ni TD Dante ang pinakamalakas na hanging umaabot sa 45 kph malapit sa gitna, at bugso ng hangin na umaabot sa 55 kph.

Dakong alas-4 ng hapon, si Dante ay namataan sa layong 1,115 km silangan-hilagang silangan ng Gitnang Luzon o 1,130 km silangan ng Hilagang Luzon, kumikilos pa-hilagang kanluran sa bilis na 20 kph.

Wala pang nakataas na tropical cyclone wind signal sa alinmang bahagi ng bansa. Gayunpaman, pinalalakas ni Dante ang southwest monsoon o habagat, na magdadala ng malalakas hanggang bugso ng hanging may lakas ng bagyo sa Zambales, Bataan, Metro Manila, Calabarzon, Mimaropa, Visayas, at Dinagat Islands.

Magdudulot ng pag-ulan ang habagat sa Metro Manila, Bataan, Zambales, Cavite, Batangas, Laguna, Rizal, Occidental Mindoro, Benguet, Pangasinan, Tarlac, Pampanga, at Bulacan.

Asahan din ang paminsan-minsang pag-ulan sa natitirang bahagi ng Ilocos Region, Nueva Ecija, Quezon, nalalabing bahagi ng Mimaropa, Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Catanduanes, Masbate, Antique, Iloilo, Guimaras, at Negros Occidental.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan sa mga lugar na ito ay maaaring magdulot ng flash floods o landslide.

Samantala, patuloy ang pag-ulan at pagkulog-pagkidlat sa ibang bahagi ng bansa dahil pa rin sa habagat.

Sa isang press briefing sa Malacañang nitong Martes, sinabi ni PAGASA weather services chief Chris Perez na ang mga lugar na nakaranas ng malalakas na ulan sa nakaraang tatlong araw ay inaasahang makakaranas pa rin ng parehong kondisyon sa susunod na dalawa hanggang tatlong araw.

Ayon kay Perez, karaniwang nakakaranas ng malalakas na ulan ang mga bahagi ng Luzon, lalo na sa kanlurang bahagi nito, at ilang lugar sa Visayas.

“Mag-ingat sa posibleng pagbaha, lalo na sa mga mabababang lugar at komunidad malapit sa baybayin. Makipag-ugnayan sa inyong lokal na pamahalaan at mga opisyal ng disaster risk reduction para sa kaukulang paghahanda at pag-iwas sa sakuna,” aniya.

Dagdag pa ni Perez, posibleng magdulot din ng landslide ang tuloy-tuloy na pag-ulan.

Samantala, nagbabala ang PAGASA ng maalon hanggang sa mapanganib na karagatan sa paligid ng Batanes at Kalayaan Islands; at sa kanlurang baybayin ng Zambales, Bataan, Lubang Island, Occidental Mindoro, at Calamian Islands.

Pinapayuhan ang mga maliliit na sasakyang pandagat, kabilang ang lahat ng uri ng motorbangka, na huwag munang pumalaot.

Posibleng lumakas pa si TD Dante at maging isang tropical storm sa Miyerkules, at inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Huwebes o Biyernes.
PNA