Yamsuan

Payo ni Yamsuan sa mga nagtapos: Magserbisyo ng may malasakit

339 Views

PINAALALAHANAN ni Kinatawan Brian Raymund Yamsuan ng Ikalawang Distrito ng Parañaque nitong Miyerkules ang mga nagtapos ngayong taon sa kolehiyo na manatiling mapagpakumbaba sa anumang trabahong kanilang tatahakin at hayaan ang awa o malasakit na gumabay sa paraan ng kanilang pagtrato at pagseserbisyo sa kapwa.

Hinimok din ni Yamsuan ang mga nagtapos na panatilihin ang kanilang integridad sa pamamagitan ng patuloy na paggawa ng tama—kahit mahirap—at higit sa lahat, kahit walang nakakakita.

Ang mga pangunahing mensaheng ito na ibinahagi ni Yamsuan sa mga nagsipagtapos sa Parañaque City College (PCC) ay nagbibigay-diin sa kahalagahan ng kababaang-loob, malasakit, at integridad sa pagbubuo ng karakter at kilos ng kabataang Pilipino ngayon.

“Hayaan ninyong ang kababaang-loob ang maging inyong pundasyon, upang manatili kayong mapagpakumbaba at patuloy na matuto. Hayaan ninyong ang malasakit ang maging inyong gabay sa pagtrato sa kapwa. At hayaan ninyong ang integridad ang maging inyong angkla, na nagpapaalala kung sino kayo, kahit gaano pa kalayo ang inyong marating,” sabi ni Yamsuan sa kanyang talumpati sa harap ng Class of 2025 ng PCC sa ginanap na recognition rites noong Hulyo 21, 2025.

Pinangunahan ni Dr. Alejandro Magnaye, administrador ng PCC, ang pagtanggap kina Yamsuan at Kinatawan Eric Olivarez ng Unang Distrito ng Parañaque sa nasabing okasyon.

Sa panahon kung kailan inuuna ng mundo ang bilis at kompetisyon, pinaalalahanan ni Yamsuan ang mga nagtapos na huwag kalimutan ang kapangyarihan ng kabutihan at malasakit sa pagbibigay ng positibong pagbabago sa buhay ng tao at sa paglikha ng epekto na higit pa sa tagumpay at kita.

“Anuman ang trabahong inyong piliin, hayaan ninyong ang malasakit ang gumabay sa inyong pagseserbisyo sa iba,” ani Yamsuan. “Anuman ang larangang inyong tahakin, huwag ninyong kalimutan kung bakit kayo naroroon: ang mga tao.”

Bilang isang lingkod-bayan, sinabi ni Yamsuan na ang malasakit ang nasa puso ng lahat ng kanyang ginagawa—mula sa paggawa ng mga batas, patakaran, at programa, hanggang sa pakikisalamuha sa mga mamamayan upang maunawaan ang kanilang mga pangarap at araw-araw na hamon sa buhay.

Samantala, ipinaliwanag din ni Yamsuan na ang kababaang-loob ay hindi lamang pag-alam sa sariling kakayahan, kundi pati na rin ang karunungang kilalanin ang sariling limitasyon.

Ang pagiging mapagpakumbaba ay nangangahulugang pagkilala na walang trabahong masyadong maliit o walang saysay para hindi matutunan ang isang mahalagang aral, aniya.

Ikinuwento ni Yamsuan ang kanyang mga naging trabaho bago siya maging opisyal ng pamahalaan—mula sa pagiging crew sa fastfood restaurant at drayber ng taxi, hanggang sa pagiging batang staff ng Senado na inuutusang magbuhat ng tarpaulin at sumalubong sa mga panauhin. Lagi raw niyang ibinibigay ang kanyang buong makakaya, at iniisip na kahit maliit ang gawain, may halaga ito.

“Ang pananaw ko noon: kung paano natin ginagawa ang maliliit na bagay ay sumasalamin kung paano natin haharapin ang mas malalaking bagay,” ani Yamsuan.

“Kaya kapag kayo ay pumasok na sa mundo ng trabaho at maaaring magsimula sa pinakailalim, tratuhin ninyo ang bawat tungkulin nang may respeto, pasasalamat, at kagustuhang matuto. Ang kababaang-loob ang unang hakbang sa pagbuti. Kung magsimula kayo sa baba, huwag kayong mahiya,” dagdag pa niya.

Bukod sa malasakit at kababaang-loob, hinikayat din ni Yamsuan ang mga nagtapos na panatilihin ang integridad sa paggawa ng tama, kahit walang nakakakita—lalo na kapag walang nakakakita.

“Habang lumalabas kayo sa tunay na mundo, haharap kayo sa mahihirap na desisyon. May mga pagkakataong matutukso kayong baluktutin ang mga alituntunin o isantabi ang inyong paninindigan para sa madaliang tagumpay. Pero sana tandaan ninyo ito: hindi kailanman mali ang paggawa ng tama,” sabi ni Yamsuan sa mga nagsipagtapos.

Hinikayat din niya ang mga ito na “mangarap nang malaki, kumapit sa pag-asa, at magpatuloy na may mga pagpapahalagang hindi lamang magdadala sa inyo sa tagumpay, kundi tutulong ding bumuo ng isang bansang maipagmamalaki ninyo.”

“Ngayon higit kailanman, kailangan ng ating bansa ang mga propesyonal na tulad ninyo—mga taong mag-aangat hindi lang ng kanilang sarili, kundi pati ng kanilang komunidad. At habang tinutupad ninyo ang panawagang iyan, nawa’y taglayin ninyo ang mga pagpapahalagang magiging sandigan ninyo sa bawat pagsubok,” pagtatapos niya.