Ortega La Union Rep. Paolo Ortega V

VP Sara madalas nasa abroad kapag Pinoy naghihirap dahil sa kalamidad — Young Guns

373 Views
Khonghun
Zambales Rep. Jay Khonghun

NAPUNA ng dalawang lider ng House Young Guns bloc na madalas na wala si Vice President Sara Duterte sa bansa kapag mayroong nararanasang krisis ang Pilipinas, gaya ng bagyo at malawakang pagbaha.

Ayon kina La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V at Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun, nasa ibang bansa ang Bise Presidente habang maraming Pilipino ang naghihirap dahil sa kalamidad.

“Nasaan ang Pangalawang Pangulo ng Republika sa oras na pinaka-kailangan siya ng sambayanang Pilipino? Nasa ibang bansa. Na naman,” ani Ortega.

“Habang inililikas ang mga pamilya, winawasak ang mga tahanan at abala ang mga rescuer sa pagsagip ng buhay, ang Pangalawang Pangulo ay wala at nasa ibang bansa para sa pansariling dahilan,” dagdag pa niya.

Batay sa mga ulat, si Duterte ay nasa The Hague, Netherlands—kung saan nakakulong ang kanyang ama, si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na nahaharap sa kasong crimes against humanity kaugnay ng extrajudicial killings sa kampanya ng administrasyon nito laban sa iligal na droga.

Ayon kay Ortega, hindi ito unang beses na nangyari. Tinukoy niya ang insidente noong Hulyo 2024, kung saan bumiyahe rin umano si Duterte sa Germany kasama ang kanyang pamilya para sa isang “personal trip” upang manood umano ng concert ni Taylor Swift habang nananalasa ang Bagyong Carina.

“Once is unfortunate. Twice is a pattern. There is something fundamentally wrong when a high-ranking official chooses to leave the country every time disaster strikes,” ani Ortega.

Binigyang-diin naman ni Khonghun ang kahalagahan na damayan ng mga opisyal ang mga Pilipinong nahaharap sa krisis.

“Ang tanong namin: nasaan ka, Vice President? Habang binabaha ang ating mga kababayan at nangangailangan ng tulong, nasaan ka?” usisa ni Khonghun.

“Nasa The Hague ka para sa personal na dahilan habang ang mga Pilipino ay nakikipaglaban sa ulan, baha at kawalan ng kuryente. Malinaw ang pagkukulang,” dagdag pa niya.

Ayon kay Khonghun, ang paulit-ulit na pagkawala ng Bise Presidente tuwing may sakuna ay nakakabawas sa tiwala ng publiko at nakakababa sa dignidad ng kanyang tanggapan.

“This is not about politics. This is about character. Public office is public trust, and trust is built through presence, compassion and action. If you are not there when the people need you most, then what is your purpose?” giit ni Khonghun.

Nanawagan ang dalawang kongresista sa Office of the Vice President na ipaliwanag ang layunin at pinagmulan ng pondo ng biyahe ni Duterte sa ibang bansa at huwag magtago sa likod ng personal na dahilan.

“Public service requires sacrifice. You cannot pick and choose when to serve. The Filipino people are watching, and they are taking note of who shows up and who disappears,” ani Ortega.

Dagdag pa ni Khonghun: “This is about priorities. The Vice President should put the country first, especially in times of crisis. The pattern of neglect is unacceptable.”