Panalo Itinaas ng referee ang kamay ni PNP Chief Gen. Nicolas Torre III matapos manalo “by default” laban kay acting Davao City Mayor Sebastian Duterte. Kuha ni JON-JON C. REYES

Torre panalo by default, Baste ‘naglaho’

Alfred Dalizon Jul 27, 2025
343 Views

HANDA na sanang makipagsabayan sa suntukan si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Nicolas D. Torre III kay acting Davao City Mayor Baste Duterte, pero sa halip na laban, napag-isa ang heneral sa ring matapos hindi sumipot ang anak ng dating Pangulong Rodrigo R. Duterte sa kanilang charity boxing match sa Rizal Memorial Coliseum umaga ng Linggo.

Dahil dito, idineklara si Torre bilang winner by default ng referee sa harap ng libu-libong manonood, kabilang ang ilang matataas na opisyal ng gobyerno at kapulisan, sa makasaysayang coliseum sa Maynila.

Bagama’t hindi natuloy ang inaabangang bakbakan, hindi lang si Torre ang lumabas na panalo, pati na rin ang mga Pilipinong nasalanta ng bagyong Crising at malawakang pagbaha sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.

Ayon sa opisyal, umabot sa P16 milyon ang nalikom na donasyong salapi hanggang Sabado ng gabi. Bukod pa ito sa mahigit P300,000 na kita mula sa ticket sales na itutulong sa mga nasalanta ng bagyo at habagat.

Ang laban, live-streamed sa social media, ay nagtapos sa opisyal na proklamasyon ng referee na panalo si Torre matapos ang 10-count, sabay taas ng kanyang kanang kamay, sabog ang hiyawan at palakpakan mula sa mga manonood.

Itinuring na isang makulay na eksena ang event na may pamagat na “Boxing for a Cause: Laban Para sa Nasalanta,” tampok ang round girls, referee, officiating committee at medical team mula sa Games and Amusement Board (GAB)—kumpleto na parang isang tunay na pro fight.

Ayon kay Torre, dagsa rin ang donasyong in-kind gaya ng delatang pagkain, sako-sakong bigas at mga pangunahing pangangailangan gaya ng bottled water.

“As of last night, we were able to generate P15 million cash… These will all be given to our kababayan affected by the calamity,” ani Torre sa panayam bago siya umakyat sa ring.

“I was also surprised with the flow of support… this charity boxing match is really for entertainment because of what happened in the days,” dagdag niya.

Bago ang main event, apat na laban mula sa PNP boxing team ang isinagawa. Libu-libong tao mula sa iba’t ibang sektor, kabilang ang mga pulis at politiko, ang pumila para masaksihan ang okasyon.

Kabilang sa mga dumalo sina Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, Napolcom Vice Chairman Raphael Calinisan at ilan pang senior police generals.

Sa kabila ng kawalan ng kalaban, nakasuot ng boxing robe si Torre at mag-isang umakyat sa entablado.

Samantala, hindi tinanggap ni Baste Duterte ang pagkatalo. Iginiit niyang hindi siya naabisuhan nang maayos sa iskedyul ng laban at sinabing handa siyang humarap kay Torre “on a weekday.”

Binanatan din niya ang heneral at sinabing ginagamit lamang umano nito ang laban upang ilihis ang atensyon mula sa mga tunay na isyu. Una na rin siyang naglatag ng kondisyon: dapat umano ay ipag-utos ni Pangulong

Ferdinand Marcos Jr. na ang lahat ng opisyal ng gobyerno ay sumailalim sa follicle drug test.

Sa kabila nito, nanindigan si Torre na hindi ito tungkol sa pulitika.

“Hindi ito tungkol sa lakas kundi sa kredibilidad. May hamon at nakita ko itong pagkakataon para makatulong,” aniya, iginiit na ang tunay na layunin ng laban ay makapangalap ng tulong para sa mga nasalanta ng kalamidad.

Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo, nagpadala ang GAB ng referee at medical team upang tiyakin ang kaligtasan ng mga kalahok alinsunod sa panuntunan ng board.

“Whether he shows up or not, may mga sponsors na may nagsabi na magdo-donate na lang ng mga ayuda sa ating mga kababayan na nasalanta ng bagyo at baha,” dagdag ni Torre.

Ipinakita rin ng PNP chief ang kanyang kahandaang makipagsabayan sa laban—mula sa jogging sa Camp Crame sa ulan hanggang sa sparring session sa PNP Gym bago ang laban.

Pero para kay Remulla, maling laban ang pinili ni Baste. Dapat umano ay tumutok ito sa pagtulong sa mga naapektuhan ng sunod-sunod na kalamidad.

“People here in Luzon and parts of Visayas have been suffering from 10 days of continuous rain… He picks a fight to show his machismo. He should have helped the people instead. It shows poor character and zero empathy to the people who matter,” buwelta ni Remulla.

Aniya pa, kilala si Torre sa pagiging matatag kahit noon pa man.

“[General Torre] was bullied as a kid… Even though the classmate was a foot taller and 30 lbs heavier, he never backed down,” dagdag ni Remulla.

Matatandaang nitong linggo, hamon sa suntukan ang bitbit ni Baste laban kay Torre—isang patunay ng galit sa heneral na pinangunahan ang pag-aresto sa kanyang ama at paghatid sa dating pangulo sa The Hague noong

Marso kaugnay sa kaso nito sa International Criminal Court (ICC).

“You’re only brave if you have the position. If we had a fistfight, I can take you on,” ani Baste sa panibagong rant.

Hindi ito ang unang beses na nagbanta si Baste kay Torre. Noong Agosto 2024, pinagbantaan niya ring sasampalin ang heneral, na noo’y PRO-11 director pa, dahil sa reshuffling ng mga pulis sa Davao City.

Hindi ito sinagot ni Gen. Torre noon at tinawag na “waste of energy” ang komento ni Baste na “unrealistic” ang kanyang three-minute response program.

Bagama’t palaban, iginiit ni Torre na isa siyang propesyonal.

“But let me make this clear: to threaten is one thing but to actually do it is an entirely different thing,” ani pa ng heneral.