Calendar
Source: Screen grab mula video
Pinoy hinatulan ng 18 taong kulong sa pagdala ng P9.9B coke sa Ireland
HINATULAN ng 18 taong pagkakabilanggo ng Irish Special Criminal Court ang isang Filipino seafarer na napatunayang nagdala o nagpuslit ng €157 milyon o humigit kumulang P9.9 bilyong halaga ng cocaine sa Ireland noong 2023.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), 28 taong pagkakabilanggo ang orihinal na hatol sa Pinoy subalit ibinaba ito sa 18 taon na lamang dahil sa magandang asal na ipinakita ng akusado habang nakakulong.
Hindi na pinangalanan ng DFA ang Pinoy subalit sinabi ng mga ito na siya ay kabilang sa walong nahatulan ng korte matapos masabat ang 2.2 toneladang cocaine sa barkong MV Matthew, isang Panamanian-flagged cargo ship, noong Setyembre 2023.
Ang barko ay nagmula sa Curaçao, Venezuela, at hinarang ng Irish Army Rangers.
Ayon sa DFA, nagbigay ng consular assistance ang embahada ng Pilipinas sa Dublin sa akusado at regular ding nakikipag-ugnayan ang mga ito sa defense team nito para sa susunod na hakbang.

