Calendar
Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) sa plenary hall ng House of Representatives nitong Lunes ng hapon. Kuha ni VER NOVENO
Speaker Romualdez: Bawat sentimo dapat makatulong
IPINAHAYAG ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez nitong Lunes ang kanyang buong suporta sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na iayon ang pambansang prayoridad sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga Pilipino. Nangakong itutulak ang reporma sa badyet, bukas na bicam, at pagtutok sa pamumuhunan sa agrikultura, kalusugan, at paglikha ng trabaho.
“Malinaw ang mensahe ng Pangulo: paigtingin ang serbisyo ng pamahalaan para sa taumbayan. Bilang Speaker, sisiguraduhin kong ang badyet ay tutugon dito – bawat sentimo ay dapat mapunta kung saan ito pinaka-kailangan,” ani Speaker Romualdez.
Sinabi ng Speaker na handa ang liderato ng Kamara na kumilos para sa matagal nang kinakailangang pagbabago sa sistema ng pambansang badyet. Aniya, kailangang unahin ang pananagutan, tanggalin ang mga hindi epektibong paggasta, at tiyakin na direktang natutugunan ng pondo ang pangangailangan ng mga pamilyang Pilipino.
“Hindi lang ito usapin ng numero. Usapin ito ng pagpaparamdam sa bawat pamilya ng benepisyo ng bawat pisong ginagastos ng gobyerno,” dagdag pa niya.
Suportado rin ni Speaker Romualdez ang lumalakas na panawagan para sa transparency o pagiging bukas ng talakayan sa badyet, lalo na sa bicameral conference committee na nagsasapinal ng mga bersyon ng Senado at Kamara ukol sa pambansang badyet.
“Walang negosasyon sa likod ng pinto. May karapatan ang taumbayan na malaman kung paano ginagastos ang kanilang pera. Kung gusto nating pagkatiwalaan tayo, kailangan natin itong pagtrabahuhan – simula sa isang bukas na bicam,” diin ng Speaker.
Bilang tugon sa mga prayoridad ng Pangulo, nangako si Speaker Romualdez na tututukan ang paglalaan ng pondo sa mga sektor na may malaking epekto tulad ng agrikultura, pampublikong kalusugan, at paglikha ng trabaho, lalo na para sa mga nanganganib at kulang sa serbisyong komunidad.
“Kailangang may pagkain sa bawat hapag-kainan, walang pamilyang mababaon sa utang dahil sa ospital, at may hanapbuhay na nagbibigay dangal at pag-asa. Hindi ito mga malabong layunin – ito’y agarang pangangailangan,” aniya.
Tiniyak ni Speaker Romualdez sa publiko na tututukan ng Kamara ang panukalang 2026 national budget nang may madaliang aksyon at seryosong pagsusuri, lalo na sa harap ng mga hamon na kinakaharap ng bansa.
“Walang abala, walang palabas. Gagampanan ng Kamara ang tungkulin nito nang may pokus at malasakit. Dahil sa huli, ang badyet ay hindi lang tungkol sa mga institusyon – ito ay tungkol sa buhay ng bawat Pilipino,” ayon sa kanya.
Dagdag pa ni Romualdez, sa ilalim ng kanyang pamumuno, magiging maaasahan at responsable ang Kamara bilang katuwang sa paghahatid ng tunay na reporma at makataong batas.
“Magsusulong kami ng batas na may saysay. Hindi para sa balita, kundi para sa bawat tahanan. Hindi para sa palakpakan, kundi para sa tunay na pagbabago. Iyan ang hinihingi ng panahon at iyan ang nararapat para sa taumbayan,” pagtatapos ni Speaker Romualdez.

