BBM1

SONA ng Pangulo suportado sa Senado

325 Views

IPINAHAYAG ng ilang senador ang kanilang pagsuporta sa naging State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kung saan tampok ang pagtutok sa serbisyong pampubliko, kampanya kontra korapsyon, at reporma sa mga programang panlipunan.

Ayon kay Senate President Francis “Chiz” Escudero, kapuri-puri ang halos kabuuang paggamit ng wikang Filipino sa talumpati. “Ikinagalak ko na ginamit niya ang ating sariling wika ng 99.9% sa kanyang talumpati,” aniya. Binigyang-diin pa niya na ang mahigit isang oras na talumpati ay nakatuon sa pagbibigay ng serbisyo sa mamamayan. Idinetalye rin niyang kasalukuyan nang tinatapos ng Senado ang listahan ng mga prayoridad na panukala katuwang ang Ehekutibo sa ilalim ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).

Samantala, tinukoy ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang matapang na pahayag ng Pangulo laban sa mga iregularidad sa flood control projects. “MAHIYA NAMAN KAYO!” aniya, ay malinaw na panawagan para sa pananagutan. “I clapped the loudest and the longest,” dagdag pa niya.

Nagpahayag din si Senador Erwin Tulfo ng suporta sa anunsyong imbestigasyon sa mga anomalya sa flood control. “Masaya tayo… dahil inanunsyo niya ang paglunsad ng imbestigasyon,” aniya. “Suportado ko ang pagpapanagot sa mga taong yumaman kapalit ng paghihirap ng sambayanang Pilipino.” Kinatigan din niya ang planong reporma sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), at iginiit na “Panahon na para mag-trabaho sa Senado.”

Binigyang-halaga naman ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang pangako ng libreng pagpapagamot. “‘Yung pangako niya… na libre ang pagpapagamot ng lahat ng pasyente—‘yun ang pinakamaganda sa lahat ng kanyang sinabi,” aniya.

Sa panig ni Senadora Loren Legarda, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng kalidad ng pagpapatupad ng mga programa. “We must view the state of the nation not only in what programs exist but in the quality of their implementation,” ani Legarda. “Every peso lost to dishonest practices is a setback to community safety and public trust,” dagdag pa niya.

Tungkol sa babala ng Pangulo sa pagbabalik ng mga budget bill na hindi tugma sa prayoridad ng pamahalaan, sinabi ni Lacson: “That would make my scrutiny… easier with less insertions.”

Ipinunto naman ni Senador Alan Peter Cayetano, “Ang magiging susi d’yan, ano ang definition ng align?”

Bukod dito, binigyang-diin ni Legarda ang pangangailangang tugunan ang mga isyung gaya ng gender equality, karapatan ng mga katutubo, climate adaptation, at mga problemang kaugnay ng sugal. “If we commit to steady and honest work… then we move closer to the state of the nation that our people deserve to live,” aniya.

Sa huli, ikinatuwa ni Estrada ang pagsuporta ng Pangulo sa Ligtas Pinoy Centers Act. “No less than the President himself said he wants full implementation,” aniya. Dagdag pa niya, nararapat lamang ang buong suporta sa mga atletang Pilipino na kumakatawan sa bansa sa mga internasyonal na kompetisyon.