Calendar
Source: File PCO photo
Sapul sa ‘Mahina naman kayo’ SONA dapat panagutin na
Nanindigan si Senador Panfilo “Ping” Lacson na panahon na upang papanagutin sa batas ang mga kontratista at opisyal ng pamahalaan na dawit sa mga nabigong at diumano’y “ghost” flood control projects. Ang pahayag ay kasunod ng kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paimbestigahan ang naturang mga proyekto at tukuyin ang mga dapat managot.
“So what is needed now is to convert the President’s order into concrete action, to hold accountable not just the contractors but also their accomplices in the government,” anang senador.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines, iginiit ni Lacson: “Yung pinaka-epektibong mekanismo ang certainty na may mapaparusahan, may mananagot. Kasi kung wala, uulit na naman yan.
Magpapalamig lang tapos babalik na naman din.”
Ibinunyag pa ni Lacson na mula 2011 ay umabot na sa halos ₱2 trilyon ang pondo para sa flood control projects. Gayunpaman, binigyang-diin niya na patuloy pa rin ang pagbaha sa maraming lugar—palatandaan umano ng iregularidad. “Maaaring umabot na ng kalahati nito ang napunta sa bulsa ng iilan,” babala niya.
Sa kanyang State of the Nation Address nitong Lunes, iniutos ni Pangulong Marcos Jr. ang malawakang audit sa mga proyekto sa flood control at ang paglalabas ng listahan ng mga bigo at pekeng proyekto. Kasabay nito ang direktibang magsampa ng kaso laban sa mga responsable.
Binigyang-diin muli ni Lacson na hindi dapat tumigil sa utos lamang ang gobyerno. “Kailangan may makitang managot… hindi lang kontratista kundi ang mga kasabwat nila sa pamahalaan,” aniya.

