MSME

One-stop hub para sa mga MSMEs gustong itatag

173 Views

NAGHAIN si Senador Loren Legarda ng panukalang batas na tinatawag na “Pangkabuhayan Act,” na naglalayong magtatag ng mga sentralisadong support center ng pamahalaan para sa mga micro, small, at medium enterprises (MSMEs) sa buong bansa. Inihain ang panukala bilang bahagi ng pagdiriwang ng MSME Month ngayong Hulyo.

Sa ilalim ng panukala, lilikhain ang mga Sustainable Livelihood and Entrepreneurial Development Centers (SLEDs) sa bawat rural municipality. Ang mga center na ito ay magsisilbing one-stop hub para sa MSMEs, na magbibigay ng mga serbisyong gaya ng business registration, pagsasanay, teknikal na suporta, tulong-pinansyal, at access sa iba pang mga programa ng gobyerno. Bibigyang-pansin ang mga lugar na kabilang sa mga economically depressed na komunidad.

Ipinunto ni Legarda, “The future of MSMEs is anchored on our ability to innovate. By simplifying and strengthening support systems, and taking advantage of technology, we provide more opportunities for Filipinos to start and sustain businesses, we nurture an efficient and competitive economic environment, and we promote sustainable and inclusive growth.”

Binigyang-diin pa niya, “Compared to larger enterprises, our MSMEs are more susceptible to changes in our economy, which would also affect their capability to employ and expand. I hope that the passage of the proposed ‘Pangkabuhayan Act’ will create mechanisms to reduce red tape and regulatory barriers for starting or expanding MSME ventures.”

Ang panukalang batas ay tumutugma sa layunin ng Philippine Innovation Act. Ipinahayag ni Legarda na ang panukala ay magtitiyak na ang MSMEs ay magkakaroon ng access sa digital transformation.

“Sa panukalang ito, nais nating ang MSMEs ay hindi lang maging tagatanggap ng tulong, kundi maging katuwang din sa pagbibigay kapangyarihang pangkabuhayan, pag-usbong ng malikhaing industriya, at pagtataguyod ng global competitiveness,” ani Legarda.

Ang MSMEs ay bumubuo ng 99.5% ng mga negosyo sa Pilipinas at nagbibigay ng trabaho sa mahigit 63% ng mga manggagawa sa bansa.

Si Legarda ang pangunahing sponsor at may-akda ng Magna Carta for MSMEs at isa sa mga pangunahing may-akda ng Philippine Innovation Act.