Koreano

BI inaresto Koreano dahil sa visa na paslo

Jun I Legaspi Jul 31, 2025
319 Views

NAHULI ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) Intelligence Division-Region 7 noong Hulyo 23 ang isang South Korean national dahil sa pagiging overstaying sa bansa.

Iniulat ni BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan, Jr. ang pagkaka-aresto kay Park Yeungtae, 56, sa kanyang tirahan sa Brgy. Pooc Oriental, Tubigon, Bohol.

Si Park ay naging paksa ng isang mission order mula kay BI Commissioner Joel Anthony Viado matapos makumpirmang hindi niya na-update ang kanyang status sa imigrasyon mula pa noong 2016. Itinuturing na paglabag sa Philippine Immigration Act ang kanyang patuloy na pananatili sa bansa.

“Patuloy ang pagbabantay at aksyon ng aming mga tauhan laban sa mga dayuhang piniling magtagal at balewalain ang aming patakaran sa imigrasyon,” ani Viado.

Nagpaalala rin ang BI chief sa mga dayuhan na sundin ang mga tuntunin ng kanilang pananatili at mga legal na obligasyon sa bansa.

“Malugod naming tinatanggap ang mga dayuhang nirerespeto ang aming batas. Ngunit kung ito’y lalabagin, kami ay kikilos ayon sa naaayong proseso,” dagdag ni Viado.