QCPD

RIT binaril, babae patay, bayaw sugatan

500 Views

PATAY ang 29-anyos na babae at sugatan ang kanyang bayaw habang sakay ng motorsiklo sa Quezon City noong Miyerkules matapos barilin ng nakatakas na suspek.

Dead-on-arrival sa Novaliches District Hospital ang babaeng biktima sa tatlong tama ng baril sa katawan at ulo habang sugatan naman ang kaniyang bayaw.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU- QCPD), bandang alas-9:30 ng gabi ng mangyari ang pamamaril sa Forest Hill Ave., Forest Hill Subdivision, Brgy. Gulod, Novaliches, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni P/SSg Alexiss Mace Jurado, sakay ang dalawang biktima ng Suzuki GD 110 at pauwi na sana sa bahay.

Pagsapit sa Forest Hill Avenue, dalawang hindi kilalang lalaki na sakay ng scooter-type na motorsiklo ang lumapit sa kanila mula sa likuran, biglang bumunot ng baril ang back rider at pinagbabaril ang babaeng biktima pero tinamaan din ang kanyang bayaw dahilan para mawalan ito ng kontrol sa motorsiklo.

Dahil dito bumagsak ang motorsiklo ng mga biktima sa kalsada habang mabilis tumakas ang mga suspek patungong Brgy. Ang Sta. Monica, Novaliches.

Bagamat sugatan ang lalaking biktima ay humingi ito ng saklolo sa mga kaanak at naisugod sila sa Novaliches District Hospital subalit idineklara na dead-on-arrival ang babaeng biktima.