Limos Source: FB post

Musmos nagpapalimos na may dalang kutsilyo

Edd Reyes Aug 1, 2025
243 Views

NASA pangangalaga na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang batang nag-viral sa social media na may hawak na kutsilyo habang namamalimos sa mga motorista.

Hinanap at kaagad na sinagip ng Las Piñas City Police, kasama ang mga opisyal ng barangay, ang bata na nakuhanan ng video na nagwawasiwas ng kutsilyo habang nanghihingi ng limos sa mga motorista sa kanto ng Alabang-Zapote Road at Diego Cera Avenue sa Las Piñas City, kamakailan.

Nauna ng dinala ng mga tauhan ni Las Piñas police chief P/Col. Sandro Jay Tafalla ang batang babae sa lokal na tanggapan ng City Social Welfare and Development sa Las Piñas City, subalit inilipat din siya sa shelter ng DSWD matapos maimbestigahan na walang kakayahan ang ina nito na mag-alaga sa kanyang anak bunga ng umano’y pagkalulong sa ilegal na droga.

Sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na kung tutuusin ay ang magulang ang dapat na mangalaga sa kanilang mga musmos pang anak, subalit inuna pa ang masamang bisyo kaya’t kinailangang kupkupin na ng pamahalaan ang bata.

“Sa ngayong punto na ito, walang kapasidad ‘yung magulang… So the state has to come in. We will make sure na ma-rehabilitate, ma-iayos bago natin siya ibalik sa community,” sabi pa ni Gatchalian.