Sen. Kiko Pangilinan

Mga senador pinag-uusapan impeachment resolution

237 Views

IPINAHAYAG ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan na simula pa noong ika-apat na State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 28, napag-uusapan na ng ilang senador ang isang resolusyong may kinalaman sa posibleng impeachment trial ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte.

Kasama sina Senadora Risa Hontiveros at Senador Bam Aquino, binuo ni Pangilinan ang nasabing resolusyon bilang tugon sa naging hakbang ng Korte Suprema na pansamantalang pinatigil ang impeachment proceedings laban kay Duterte.

“After we had that statement, we brought it (resolution) to the attention of the majority in the caucus. But before that, I presented it during the SONA to some of the other senators, who said they would review it,” ani Pangilinan sa panayam ng Rappler program na “In The Public Square” noong Miyerkules, Hulyo 30.

Sa kasalukuyan, nilagdaan na ang resolusyon nina Pangilinan, Aquino, Hontiveros, at Senate Minority Leader Vicente Sotto III. Gayunman, binigyang-diin ng senador na hindi pa ito pormal na inihahain sa Senado habang isinasailalim pa sa pagsusuri ng iba pang mga mambabatas.

Ipinaliwanag ni Pangilinan na ayon sa obserbasyon ni dating Supreme Court Justice Adolf Azcuna, hinihimok ng resolusyon ang Korte Suprema na isaayos ang tila magkasalungat na probisyon ng Konstitusyon. Aniya, “you don’t use one provision of the Constitution to defeat another.”

Tinukoy din ni Pangilinan na ang House of Representatives ay kumilos batay sa naunang desisyon sa Francisco ruling, kung saan sinabing ang impeachment ay nagsisimula kapag ang verified complaint ay inendorso sa House Committee on Justice.

Ngunit sa desisyon ng Korte Suprema, sinabi nitong ang hindi pag-refer sa unang tatlong reklamo ay katumbas ng dismissal. Kaya’t ang pag-usad ng ika-apat na reklamo ay lumabag umano sa isang-taong limitasyon para sa impeachment complaints.

“The House was guided by the Francisco ruling, so that should be valid. And then for the future, if you want the new definition to apply, (it’s) for future cases,” dagdag pa ng senador.

Samantala, nakatakdang magsagawa ng caucus ang Senado sa Agosto 6 upang talakayin ang implikasyon ng desisyon ng Korte Suprema sa kinabukasan ng impeachment case ni Duterte.