Gomanila

Mag-ingat sa pekeng GoManila app

Edd Reyes Aug 1, 2025
349 Views

PINAG-IINGAT ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang publiko sa kumakalat na text scam gamit ang programang GoManila, na layong makuha ang sensitibong personal na impormasyon ng mga mabibiktima.

Sa impormasyong nakarating kay Manila Mayor Isko Moreno, kumakalat ang text scam na ipinadadala sa kanilang mga nais mabiktima na nagsasabing may nagawang paglabag sa batas trapiko tulad ng illegal parking at iba pa na kailangang bayaran gamit ang pekeng GoManila app.

Nakalagay sa naturang pekeng GoManila app ang isang link na kapag binuksan ng mabibiktima ay makukuha na ang lahat ng personal na impormasyon na magagamit sa iba’t ibang panloloko.

Nanawagan ang lokal na pamahalaan sa publiko na makakatanggap ng ganitong uri ng text scam na iwasang i-click ang nakalagay na link at huwag magbigay ng personal na impormasyon ng kanilang pagkakakilanlan.

Sinabi ni Mayor Isko Moreno na mas maiging ipabatid sa mga otoridad ang matatanggap na text scam at pinaalalahanan niya ang publiko na maging mapanuri, mag-ingat at i-double check ang lahat ng matatanggap na mensahe sa text.

Umani naman ito ng reaksiyon sa mga netizens na nakatanggap na rin ng text scam, na karamihan ay pumupuri sa maagang panawagan ng lokal na pamahalaan bago pa makapambiktima ng marami ang mga nasa likod nito.

Ilan din ang nagsabing wala silang sasakyan at hindi sila marunong magmaneho pero pinadalhan sila ng mensahe sa mga nagawang traffic violation.