Calendar
Kasama ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang mga lider ng Associated Labor Union-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) ALU-TUCP, kapwa mambabatas at ibang opisyal ng gobyerno sa102nd birth anniversary celebration ni Atty. Democrito T. Mendoza, founder ng ALU-TUCP, Huwebes ng gabi sa Quezon City. Kuha ni Roy Pelovello
Mendoza pinuri si Speaker Romualdez
Sa pagbubukas sa publiko ng talakayan ng badyet
SUPORTADO ni Deputy Speaker at TUCP Party-list Rep. Democrito Mendoza ang panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na wakasan ang korapsyon sa pamahalaan, lalo na sa mga flood control projects.
Pinuri rin ni Mendoza ang hakbang ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na buksan sa publiko ang proseso ng pambansang badyet sa tulong ng mas malawak na partisipasyon mula sa civil society.
“We support the President’s call for accountability and the Speaker’s initiative to ensure transparency in the entire budget process. These are concrete steps toward restoring public trust and putting an end to a culture of impunity,” ayon kay Mendoza.
Bilang tugon sa pahayag ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong tungkol sa umano’y malawakang korapsyon sa gobyerno at ang akusasyong may mga mambabatas na kumukuha ng 35 hanggang 40 porsyentong kickback sa mga proyekto, sinabi ni Rep. Mendoza na mahalagang nakabatay sa ebidensya at dumadaan sa tamang proseso ang mga panawagan para sa pananagutan.
“Doon sa mga nagtuturo sa mga mambabatas bilang mga corrupt, baka manunu kayo. Kung gagawa kayo ng akusasyon, dapat siguruhin nyong may evidence kayo na pwedeng i-file sa korte. Hindi pwedeng sweeping generalization lamang ng wrongdoing ang inyong gagawin. Otherwise, do not speak at all,” ayon sa kongresista.
Dagdag pa niya, “We cannot allow sweeping generalizations to replace legitimate legal processes. Hindi pwedeng puro ingay lang. Justice is not served by reckless accusations; it’s served by truth, diligence and due process.”
Binigyang-diin ni Mendoza na ang mga manggagawa ang mas naaapektuhan ng korapsyon dahil nawawala sa kanila ang mga serbisyong dapat ay para sa kanila.
“Every peso misused is a peso stolen from the daily wage earner. These are funds meant to build classrooms, clinics and roads in poor communities, or to ensure minimum wage earners can have access to better social services. We cannot allow that to be siphoned off by corrupt deals,” paliwanag ng mambabatas.
Tinukoy din niya ang pagsusulong ni Speaker Romualdez ng “open bicam” at ang panukalang mas isali ang civil society sa mga pagtalakay sa badyet ay patunay na seryoso ang Kamara sa pagtugon sa matagal nang problema sa maling paggamit ng pondo at mga usapang hindi bukas sa publiko.
Sinegundahan din Mendoza ang panawagan ni Speaker Romualdez sa publiko na aktibong makibahagi sa pagsusulong ng reporma sa pamamagitan ng pagdalo sa mga pagdinig ng badyet at pagtutok upang matiyak na ang pondo ng bayan ay napupunta sa mga tunay na prayoridad na programa.
“Walang shortcut sa tamang hustisya. Hindi natin kailangan ng mga palabas sa media. Ang kailangan natin ay ebidensya, imbestigasyon at hustisya para sa mga Pilipinong matagal nang ninanakawan,” dagdag ni Mendoza.
Dagdag pa niya, matagal nang nananawagan ang mga manggagawa para sa isang badyet na tunay na makatao — isang badyet na tumutugon sa pangangailangan para sa disenteng trabaho, makatarungang sahod, maayos na serbisyong pangkalusugan, at ligtas na mga komunidad — at hindi iyong nauubos lamang sa sobra-sobrang kontrata o mga pinalobong proyekto sa flood control.
“A budget that reflects the dignity of labor is what workers demand,” ani Mendoza.
“And that starts with honesty in how every peso is spent.”

