BI

BI nag-aalala sa pagdami ng nagba-backdoor para mag-abroad

Jun I Legaspi Aug 1, 2025
291 Views

IPINAHAYAG ng Bureau of Immigration (BI) ang pagbabalik ng 14 na Pilipinong nailigtas na pinilit na magtrabaho sa mga scam hub sa ibang bansa.

Nagpahayag ng pag-aalala si BI Commissioner Joel Anthony Viado tungkol sa lumalaking bilang ng mga repatriates na diumano’y umalis ng bansa sa pamamagitan ng isang ilegal na ruta ng migrasyon na karaniwang tinatawag na “backdoor.”

Iniulat ng BI Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ang pagdating ng 8 Pilipinong repatriates mula Kuala Lumpur, Malaysia noong Hulyo 30 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.

Ikinuwento ng mga biktima na sila ay pinangakuan ng trabaho sa Laos bilang mga office staff, at inalok ng sahod na P50,000 kada buwan.

Ayon sa mga biktima, sumakay sila ng bangka mula Dipolog patungong Zamboanga, at lumipat ng isa pang bangka papuntang Malaysia.

Pagdating sa Malaysia, sumakay sila ng tren papuntang Perlis na nasa hangganan ng Malaysia at Thailand kung saan sila ay ikinulong ng mga awtoridad ng halos anim na buwan.

Sa kalaunan, nakahingi sila ng tulong mula sa embahada ng Pilipinas sa Malaysia na nag-facilitate ng kanilang repatriation.

Kinumpirma ng forensic documents laboratory ng BI na peke ang immigration stamp sa kanilang mga pasaporte.

Sa parehong araw, dumating din ang 6 na Pilipino sa NAIA Terminal 1 matapos ang repatriation mula Phnom Penh, Cambodia.

Sa 6 na Pinoy, 2 ang umalis sa NAIA samantalang 4 ang bumiyahe gamit ang mga maliliit na bangka patungong Cambodia.

Doon, inalok silang magtrabaho bilang customer service representatives na may sahod na $1,000 kada buwan.

Sa halip, pinilit silang magtrabaho bilang scammers at sinasaktan kapag hindi naabot ang quota. Tinulungan sila ng embahada ng Pilipinas sa Cambodia na makauwi nang ligtas.

“Masaklap isipin na ang isa sa mga biktima, na buntis, ay tino-torture tuwing siya’y nakakaramdam ng epekto ng pagdadalang-tao,” sabi ni Viado. “Isa pang biktima, isang lalaki, ay sinaktan sa leeg dahil sa kabiguang maabot ang itinakdang quota,” dagdag niya.

Dismayado ang BI chief sa patuloy na paglalakas-loob ng ilang Pilipino na umalis gamit ang ilegal na paraan na nauuwi sa matinding kalagayan.

Pagkatapos ng immigration processing, nagtulungan ang mga opisyal mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Foreign Affairs (DFA) upang mabigyan ng agarang tulong ang lahat ng biktima.