Calendar
Pasya ng SC sa impeachment mapanganib na precedent — Sen. Risa
NAGPAHAYAN ng matinding pagkabahala si Senadora Risa Hontiveros sa naging pasya ng Korte Suprema na ibasura ang impeachment case laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte—na aniya’y maaaring magtakda ng mapanganib na precedent na lalong magpapahina sa sistema ng pananagutan sa pamahalaan.
Sa Kapihan sa Senado forum, binigyang-diin ni Hontiveros na ang bagong mga panuntunang ipinataw ng Korte Suprema sa pagsisimula ng impeachment complaints ay maaaring magpahina sa kakayahan ng mga institusyon, lalo na ng Kongreso, na papanagutin ang mga opisyal ng gobyerno.
“Yung requirements o additional requirements na iyon… ay isa sa ilang mga seryosong tanong pa rin, seryosong concerns na meron ako,” ani Hontiveros, kasabay ng babala na ang usapin ay “palalim ng palalim… papunta na sa mismong demokrasya natin.”
Bagaman nagkaisang desisyon ng Korte Suprema ang nagbasura sa reklamo laban kay Duterte, sinabi ni Hontiveros na hindi pa rin natutugunan ang mga mahahalagang katanungan kaugnay sa proseso. “Humihirap o bumibigat yung aming responsibilidad sa ngayon na klaruhin itong mga lumalabas na concerns tungkol sa impeachment process per se,” paliwanag niya.
Binanggit pa ni Hontiveros na ang naging desisyon ng Korte ay posibleng makaapekto sa papel ng Senado bilang impeachment court at makapagtakda ng mga hadlang para sa mga susunod na impeachment proceedings. “Isa ito sa iilang mekanismo na mayroon tayo upang panagutin ang mga pinakamakapangyarihang opisyal,” giit niya.
Kinumpirma rin ng senadora na siya ay lumagda sa draft resolution ng Senado na base sa rekomendasyon ng ilang dating mahistrado ng Korte Suprema. “Siyempre, dahil galing sila sa Korte Suprema, meron silang tamang timpla ng disposisyon… kung paano tamang i-address namin ang Korte Suprema,” aniya, at ipinaliwanag na maaaring makatulong ang resolusyong ito sa inaasahang mosyon ng Kamara para sa reconsideration.
Dagdag pa ni Hontiveros, hindi nararapat na agad itong resolbahin ng Senado habang may nakabinbing mosyon. “Sana hintayin namin yan dito sa Senado bago kami magdesisyon,” ani niya.
Sa kabila ng pagkakaiba-iba ng pananaw, iginiit ni Hontiveros na nagkakaisa ang minority bloc sa Senado na dapat maging maingat, malinaw, at makatao ang anumang hakbang. “Nagkakaisa po kami sa minority na dapat magkaroon ng maayos na desisyon… at matugunan ang entitlement ng ating mamamayan sa accountability ng aming public officials,” binigyang-diin niya.
Sa huli, nagpahayag ng pag-asa si Hontiveros na muling bubuuin ng Senado ang sarili bilang impeachment court upang marinig ang mga ebidensya at testimonya. “Ang trial ay nagpapatuloy,” mariing pahayag niya habang naghahanda para sa pagtalakay ng kanyang mga argumento sa darating na Agosto 6.

