Calendar
Laguna naglunsad ng Alaga sa Mamamayan
INILUNSAD ni Gob. Sol Aragones ang “Alaga sa Mamamayan” Community Relations Project sa Biñan City, Laguna noong Biyernes para sa kaligtasan ng publiko, maagap na pagtugon ng mga pulis at suporta ng lokal na pamahalaan.
“Bawal ang mataray sa ospital at dito po sa provincial PNP bawal po ang suplado na pulis,” sabi ng gobernadora. “Pangalawa, bawal ho ang korapsyon,” dagdag niya.
Ipinangako rin ng gobernadora ang karagdagang suporta upang matugunan ang pangangailangan ng kapulisan, lalo na sa kanilang mobility at kapakanan.
“Sa October, magsisimula na rin kayong bigyan ng bigas, kasama ang mga bokal.”
Nangako rin siya na pahuhusayin ang komunikasyon ng PNP upang mas mabilis ang pagtugon sa mga emergency sa buong lalawigan.
Sinabi ni P/Lt. Col. Allan Reginald Basiya, hepe ng Biñan police, ang kanilang kahandaan sa serbisyo,
“Three minutes response time ang agarang pagtugon sa anumang tawag o saklolo,” sabi ng hepe ng pulis.
Nagpahayag din ng suporta si Mayor Angelo Alonte ng Biñan sa naturang inisyatibo at tiniyak sa publiko ang kanilang tuluy-tuloy na pagbabantay,
Bilang bahagi ng programa, ginawaran ng Certificates of Commendation ang mga natatanging Police Community Relations personnel ng Laguna Police Provincial Office.
Kabilang sa mga pinarangalan sina P/Lt. Col Pimentel, hepe ng Santa Rosa City police, PCMS Benjie Garcia, ng San Pedro City police, PCMS Pamela Arcel, ng San Pablo City police, P/Cpl. Maria Cristina Navarro ng Santa Rosa City police at P/Cpl. Rivera ng Alaminos police.
Ginawaran din ng pagkilala sina Mayor Angelo Alonte ng Binan, Alkalde Joycel Sopena at ang provincial director ng NAPOLCOM Laguna dahil sa kanilang walang sawang suporta sa pagpapatatag ng ugnayan sa pagitan ng pulisya at komunidad.
Binigyan ng certificate of appreciation si Atty. Sopeña sa kanyang pagtulong sa mga programa ng Laguna Police Provincial Office at sa kanyang dedikasyon sa kapakanan ng mga pulis sa lalawigan.

