Vargas

Vargas determinadong maisabatas disaster frontliner’s protection bill

Mar Rodriguez Aug 4, 2025
232 Views

DETERMINADO si House Deputy Majority Leader at Quezon City 5th District Rep. Patrick Michael “PM” D. Vargas na maisabatas ngayong 20th Congress ang inihain nitong panukalang batas para mabigyan ng proteksiyon ang mga disaster frontliners.

Binigyang diin ng House Majority Leader na napakahalagang mabigyan ng nararapat na proteksiyon ang mga disaster frontliners sapagkat ang kanilang trabaho sa panahon ng kalamidad ay maituturing na “buwis buhay”.

Kasabay nito, muling iginiit ni Vargas na ang isinulong nitong House Bill No. 2268 o ang “Magna Carta of Disaster Risk Reduction and Management Workers Act” ay isang pang-matagalang suporta para sa mga disaster frontliners na itinataya ang kanilang buhay para sa kapakanan ng mga typhoon victims.

Pagbibigay diin ni Vargas na maaaring mayroong “hazard pay” na makukuha ang mga tauhan ng Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) subalit mas kailangan parin aniya ang nararapat na benepisyo para sa kanila.

Nauna rito, nananawagan ang kongresista sa liderato ng Kamara de Representantes para sa mas matibay na proteksiyon at pinahusay na benepisyo para sa mga disaster frontlines na tumutugon asa tuwing sasalanta ang malakas na sakuna sa bansa.