Sabog

Biktima ng sumabog na compressor umakyat, 6 na

Jon-jon Reyes Aug 4, 2025
363 Views

Sabog1UMAKYAT na sa anim ang sugatan, kabilang ang isang menor de edad, sa pagsabog ng compressor ng aircon na nagresulta sa pagkaputol ng kamay ng isang biktima.

Kasalukuyang inoobserbahan sa ospital ang lima pang biktima na nasugatan habang binabaklas ang nasabing compressor noong Linggo sa Tayuman at Dagupan streets, Tondo, Manila.

Ayon kay Police Major Philip Ines, hepe ng Public Information Office ng Manila Police District (MPD), sugatan sina alyas Christina, 36-anyos; Mike, 49-anyos; Roman, 51-anyos; Ryan, 43-anyos; Jimboy, 59-anyos; at isang 14-anyos na menor de edad.

Batay sa ulat ni Police Major Arnold Echalar ng Tactical Motorized Rider’s Unit ng Moriones Police Station 2 ng MPD, bandang alas-3:25 ng hapon naganap ang pagsabog.

Isinugod ang mga biktima sa Jose Reyes Memorial Medical Center at Tondo General Hospital ng mga rumespondeng ambulansiya.

Nagtungo si Manila Department of Social Welfare Chief Jay Reyes Dela Fuente sa pinangyarihang lugar ng pagsabog upang alamin ang sitwasyon at kalagayan ng mga biktima. Naroroon ang mga kaanak ng mga biktima.

Ayon kay Dela Fuente, inatasan siya ni Manila Mayor Isko Moreno na bigyan ng medical at financial assistance at iba pang tulong ang mga biktima.