Calendar
Source: BI
Overstaying Tsino walang dokumento, inaresto
INARESTO ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isang mamamayang Tsino dahil umano sa overstaying at kawalan ng dokumento sa pinagsamang operasyon na isinagawa sa Botolan, Zambales madaling araw ng Agosto 5.
Ang 70-anyos na dayuhan ay naaresto sa Barangay Parel matapos ipatupad ang mission order na inilabas ni BI Commissioner Joel Anthony Viado.
Ang operasyon ay isinagawa ng mga ahente mula sa Regional Intelligence Operations Unit III (RIOU III) ng BI, katuwang ang mga tauhan ng Philippine Army at mga ahensyang pang-intelihensiya ng pamahalaan, sa pakikipag-ugnayan sa lokal na pulisya.
Ayon sa ulat ng BI, nagsimula ang operasyon bandang 4:00 ng umaga at dumating ang mga ahente sa lugar bago sumikat ang araw.
Natagpuan ang dayuhan sa labas ng kanyang tirahan bandang 6:00 n.u., kaya agad siyang nilapitan ng mga operatiba at ipinakilala ang kanilang sarili. Nang hingan ng mga dokumentong pang-imigrasyon,ang suspek at ang isa pang indibidwal na mukhang Tsino at nagsabing kanyang kasambahay ay nabigong magpakita ng pasaporte o anumang patunay ng legal na pananatili. Agad silang inaresto.
Natuklasan na kapwa sila lumalabag sa batas ng imigrasyon ng Pilipinas dahil sa kawalan ng dokumento, at ang nasabing dayuhan ay moverstaying na rin.
Sila ay dinala sa Maynila para sa booking at commitment sa pasilidad ng BI sa Taguig.
Pinuri ni BI Commissioner Viado ang matagumpay na operasyon at sinabi:
“Ang operasyong ito ay patunay ng patuloy nating pagsisikap na ipatupad ang ating mga batas sa imigrasyon habang iginagalang ang due process.
Sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., nagsusumikap tayong pangalagaan ang integridad ng ating mga hangganan at tiyaking ang mga nananatili sa bansa ay may legal na status.”
Binigyang-diin pa ni Viado ang kahalagahan ng inter-agency coordination, at sinabing hindi magiging posible ang ganitong operasyon kung wala ang suporta ng mga katuwang sa pagpapatupad ng batas.
“Sa diwa ng Bagong Pilipinas, nananatili tayong mapagmatyag sa pagsusulong ng isang ligtas, maayos, at makatarungang sistema ng imigrasyon. Ito ang serbisyo sa aksyon,” dagdag pa niya.
Ang dalawang indibidwal ay nahaharap sa deportasyon at blacklisting dahil sa paglabag sa batas ng imigrasyon.

