Martin2 Mainit na nakipagkamay si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa Ceremonial Hall ng Malacanang Palace bago pinirmahan ang Judicial Fiscal Autonomy Act Huwebes ng umaga. Nasa litrato rin sina Senior Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez, Executive Secretary Lucas Bersamin, Senate President Francis “Chiz” Escudero at Pampanga 2nd District Rep. Gloria Macapagal Arroyo. Kuha ni VER NOVENO

Speaker Romualdez pinuri pagiging ganap na batas ng Judiciary Fiscal Autonomy law

254 Views

PINURI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez pagsasabatas ng makasaysayang panukala na magbibigay sa hudikatura ng ganap na fiscal autonomy, na aniya’y magpapalakas pa sa kalayaan ng hudikatura at magpapabuti sa paghahatid ng hustisya sa buong bansa.

Inaprubahan ng Kamara de Representantes at Senado noong Hunyo bago ang adjournment ng 19th Congress, nilagdaan ang Judiciary Fiscal Autonomy Act bilang batas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Malacañang nitong Huwebes ng umaga.

Binigyang-diin ni Speaker Romualdez na tinutupad ng bagong batas ang garantiya ng Konstitusyon at pinatatatag ang kakayahan ng hudikatura na epektibong makapagsilbi sa mamamayan.

“Malaking hakbang ito para sa demokrasya. Kapag matatag ang judiciary, mas mabilis at mas patas ang paghatid ng hustisya sa bawat Pilipino,” aniya.

“This is a proud day for our justice system. Sa pagbibigay ng tunay na fiscal autonomy sa ating judiciary, mas pinalalakas natin ang kanilang mandato sa ilalim ng Konstitusyon nang may sapat na resources para makapagsilbi nang maayos sa ating mga kababayan,” ani Speaker Romualdez.

“It is a vital step to ensure that our courts are equipped, empowered, and shielded from undue influence, in full service of the rule of law.”

Nilinaw ng bagong batas ang saklaw at lawak ng fiscal independence ng hudikatura, na gagarantiyang hindi bababa sa nakaraang taon ang pondo nito at awtomatiko at regular na mailalabas ang pondo matapos ang pag-apruba ng Kongreso.

Bilang isa sa mga pangunahing may-akda ng panukala sa Kamara, binigyang-diin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan nito sa pagpapatatag sa hudikatura bilang co-equal branch ng pamahalaan.

“This is one of my advocacies in the 19th Congress, for the judiciary to have fiscal autonomy. Para makakilos ng mas malaya ang ating mga korte’t hukom habang tumatayong sandigan ng hustisya para sa ating mga kababayan,” aniya.

Nagpahayag din ng pasasalamat si Romualdez kay Pangulong Marcos sa pagsuporta at paglagda sa batas, na aniya’y patunay ng pangakong magkaroon ng mas matatag at mas malayang hudikatura.

“Nagpapasalamat tayo kay Pangulong Marcos sa kanyang suporta at sa pagkilala sa kahalagahan ng judiciary sa pagpapanatili ng rule of law,” wika ni Speaker Romualdez.

Sa ilalim ng batas, direktang magsusumite ng taunang panukalang pondo ang Korte Suprema sa Department of Budget and Management (DBM), na ilalakip sa National Expenditure Program.

Maaaring magbigay ng komento at rekomendasyon ang DBM, ngunit kailangang awtomatikong mailabas ang inaprubahang pondo nang walang dagdag na kondisyon o kahilingan.

Bibigyan din ng kapangyarihan ang Punong Mahistrado na dagdagan ang pondo ng ilang item mula sa savings, ilipat ang pondo sa loob ng mga proyekto, at baguhin ang alokasyon sa pagitan ng mga yunit ng operasyon—mga kapangyarihang ayon kay Romualdez ay magpapabilis sa pagtugon ng hudikatura sa pangangailangan at magpapahusay sa serbisyo ng mga korte.

Isa pang mahalagang probisyon ang paglikha ng Judiciary Trust Fund na papalit sa Judiciary Development Fund. Mapypunta dito ang lahat ng legal fees, kasalukuyang pondo, at interest income ara sa eksklusibong gamit ng hudikatura, na magbibigay dito ng mas malaking kakayahan na tustusan ang operasyon at mga pagpapabuti nang hindi lamang umaasa sa taunang pondo.

Pinahihintulutan din ang Korte Suprema na i-reorganisa ang administrative structure, lumikha ng mga bagong tanggapan, at idecentralize ang operasyon upang mailapit ang pamamahala ng mga korte sa mga litigante. Maaari rin nitong tukuyin ang dami at uri ng mga posisyon, magtakda ng sahod alinsunod sa pondo, at tiyakin ang competitive na pasahod para makaakit at mapanatili ang mahuhusay na tauhan.

Upang suportahan ang mga repormang ito, lahat ng real at personal properties na may kinalaman sa hudikatura ay ililipat sa Korte Suprema sa loob ng anim na buwan mula sa pagiging epektibo ng batas, upang magkaroon ito ng direktang kontrol sa mga ari-ariang mahalaga sa tungkulin nito.

Mananatiling saklaw ng post-audit ng Commission on Audit ang lahat ng gastos at kita ng hudikatura at ng Judiciary Trust Fund, bilang bahagi ng pamantayan ng transparency at accountability.