Calendar
Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez
Speaker Romualdez suportado plano ni PBBM na magtayo ng 10 makabagong fish port

Para mapatatag food security sa PH
BUO ang suporta ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa plano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magtayo ng 10 state-of-the-art fish port upang mapatatag ang food security ng bansa.
Tiniyak ni Speaker Romualdez na masusing tatalakayin ng 20th Congress ang mga panukalang pondo para sa agri-fishery sector sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program (NEP) upang matiyak ang wasto at makabuluhang alokasyon nito.
“Matapang na naglalayag ang ating mga mangingisda upang sila ay may maiuwing mga yamang-dagat at mailako sa ating mga merkado. Ang kanilang tapang at tiyaga ay dapat mabigyan ng angkop na suporta mula sa pamahalaan sa pamamagitan ng makabagong mga pasilidad,” ani Romualdez.
Pinuri ng lider ng Kamara ang Pangulo sa pagsusulong nito na makapagtayo ng mga bagong fish port na may kasamang mga makabagong teknolohiya gaya ng cold storage facilities, imbes na simpleng rehabilitasyon lamang ng mga dati ng pasilidad.
“The President’s decision to establish modern cold storage facilities is a prudent investment that will significantly enhance our food supply chain, boost the income of our agriculture workers, and ensure their produce will reach our tables,” wika ni Speaker Romualdez.
“We will continue to support the Marcos administration’s vision of laying down the groundwork and instituting reforms to help our farmers and fisherfolk improve their livelihood while ensuring our nation’s food security,” dagdag pa niya.
Noong Miyerkules, pinangunahan ng Pangulo ang inagurasyon ng pinahusay na Philippine Fisheries Development Authority (PFDA) Iloilo Fish Port Complex sa Barangay Tanza-Baybay, Iloilo City.
Sa naturang okasyon, inihayag ng Pangulo ang plano na magtayo ng 10 bagong fish port na may modernong pasilidad at teknolohiya upang higit pang suportahan ng pamahalaan ang agri-fishery sector.
Sinabi ng Pangulo na makikinabang dito ang mahigit dalawang milyong mangingisdang Pilipino at matutulungan ang bansa na makipagsabayan sa mga kapitbahay sa rehiyon tulad ng Thailand at Vietnam sa industriya ng pangisdaan.
Pinahusay sa halagang P885.14 milyon, ang Iloilo Fish Port Complex ay mayroon na ngayong 390-kilowatt peak (kWp) solar photovoltaic system na binubuo ng 1,152 370-watt PV solar panel modules. Pinapagana nito ang market hall, refrigeration building, cold storage facility, commercial building, public toilet at administration building.
Pinuri ni Romualdez ang integrasyon ng renewable energy upang masiguro ang maaasahang operasyon ng Iloilo Fish Port Complex, isang pangunahing hub ng pangingisda at kalakalan sa Western Visayas na pinaglilingkuran ang mga lisensyadong fish broker, overland supplier at mga operator ng fishing vessel.
“Ito ay mga subok na teknolohiya na dapat nating gamitin sa mga makabagong fish port na itatayo ng ating pamahalaan. Lalong mahalaga ang paggamit ng solar panels kung ang mga fish port ay nasa malalayong lugar at kailangan ng maaasahang suplay ng kuryente para panatilihing sariwa at ligtas kainin ang ating mga isda at iba pang klaseng huli,” aniya.
Nangako ang Speaker na rerepasuhin ang panukalang 2026 budget ng Department of Agriculture at PFDA upang matiyak na matatanggap ng mga mangingisda ang kinakailangang tulong pinansyal at suporta sa imprastraktura bilang mahahalagang katuwang sa adyenda ng food security ng bansa.
Naghain ang PFDA ng P2.1 bilyong pondo sa 2026 NEP para sa Fisheries Infrastructure Development Program, na sumasaklaw sa pagtatayo, rehabilitasyon at pagpapabuti ng mga fish port.
Samantala, nanawagan din si Speaker Romualdez sa mga mangingisda na tulungan protektahan ang karagatan at ilog ng bansa laban sa pagkasira ng kalikasan, upang mapanatili ang yamang-dagat para sa susunod na henerasyon.
“Sa pamamagitan ng sapat na suporta ng pamahalaan at pagtutulungan sa pagkalinga sa ating mga karagatan at yamang-dagat, mapalalago natin ang kabuhayan ng ating mga mangingisda at maisusulong ang ating food security tungo sa isang maunlad na Bagong Pilipinas,” dagdag pa niya.

