Calendar
PAGPAPALAKAS SA KABATAAN – Pinangunahan ni Presidential son Vinny Marcos ang paglulunsad ng Bagong Pilipinas Youth (BPY), isang pambansang kilusan para sa mga kabataan, na ginanap sa Bagong Pilipinas headquarters sa Mandaluyong City nitong Sabado, Agosto 16.
Kuha mula sa Malacañang Press Corps Pool
Anak ng Pangulo na si Vinny Marcos mamumuno sa Bagong Pilipinas Youth
INILUNSAD ng administrasyong Marcos nitong Sabado ang Bagong Pilipinas Youth (BPY), isang pambansang kilusan para sa pagpapalakas ng kabataan, na pamumunuan ng anak ng Pangulo na si Vinny Marcos, kasabay ng pagdiriwang ng Linggo ng Kabataan 2025.
Sa okasyong ito, binuksan din ang unang BPY Hub, isang espesyal na espasyo para sa kolaborasyon at inobasyon ng kabataan, sa punong tanggapan ng Bagong Pilipinas sa Lungsod ng Mandaluyong.
Dinaluhan ang paglulunsad ng mga lider-estudyante, mga opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK), mga youth advocate, media partners at mga tagasuporta—na itinuring bilang isang mahalagang hakbang para sa pagsusulong ng pambansang adyenda para sa pag-unlad ng kabataan.
Layunin ng BPY na bigyang-lakas ang kabataang Pilipino upang maging aktibong tagapagtaguyod ng pagbabago sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga plataporma para sa civic engagement, leadership development, edukasyon at inobasyon
Ayon kay Vinny Marcos, ang BPY ay higit pa sa isang youth organization, dahil isa itong kilusan na itinuturing ang pamumuno ng mga kabataan bilang bagong pamantayan.
Aniya, ang layunin nito ay hikayatin ang mga kabataan na manguna sa paghubog ng kinabukasan ng bansa, sa halip na hintayin lamang ang mga oportunidad.
“We are all partners in guiding, inspiring and leading the Filipino youth toward strengthening this Republic, for they are the future leaders of this country and the hope of our nation,” sinabi ni Marcos.
Ang bagong BPY Hub ay magiging sentro ng kolaborasyon kung saan maaaring magsimula ng mga proyekto ang kabataan, magplano ng mga aktibidad, at lumahok sa mga programang sumusuporta sa pagkamalikhain at pagkakaisa.
Bagama’t nasa maagang yugto pa, inaasahan ang BPY Hub na magiging mahalagang puwang para sa mga proyektong pinangungunahan mismo ng kabataan.
Pinakita rin ni Marcos ang mga proyektong iminungkahi sa paglulunsad ng BPY: Youth Voters’ Registration Hub, monthly Youth Hangouts, at ang Bagong Kabataan Academy para sa leadership training, film screening at sports tournaments
Ang iba pang mga mungkahi ay mental health caravans, anti-bullying seminars, community cleanups, songwriting at band competitions, spelling contests at support programs para sa out-of-school youth.
Binigyang-diin ni Marcos ang kahalagahan ng multi-sectoral support, at hinikayat ang mga ahensya ng pamahalaan, pribadong sektor, NGO, paaralan at komunidad na mamuhunan sa mga programang pangkabataan.
Nagpasalamat din siya sa mga pribadong partner na nangakong maglalaan ng pondo at suporta para sa mga inisyatibang magbibigay-lakas sa kabataan upang lalong magkaroon ng tiwala sa sarili at maging malikhain at epektibong lider.
Ang paglulunsad ng BPY ay kaakibat ng pambansang adyenda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na paulit-ulit na binibigyang-diin ang mahalagang papel ng kabataan sa nation-building.
Nagtapos ang programa sa panawagan ng pagkakaisa at sama-samang pananagutan sa paglinang ng pamumuno ng kabataan tungo sa makatarungan, inklusibo at maunlad na Pilipinas.
PNA

