Calendar
PANGUNAHING PANAUHIN – Nagbigay ng talumpati si First Lady Liza Araneta-Marcos sa Grand Tourism Night ng Manila Overseas Press Club (MOPC) na ginanap sa New World Makati Hotel noong Agosto 15. Kinilala ng Unang Ginang ang malaking ambag ng turismo sa pagpapalago ng ekonomiya ng Pilipinas, pati na rin ang mahalagang papel ng pribadong sektor sa pagpapaunlad nito.
PNA photo
PH nangangako ng pamumuhunan sa turismo, mas maginhawang biyahe — FL Liza Araneta-Marcos
NANGAKO ang Pilipinas na patuloy itong mamumuhunan sa industriya ng turismo at pagpapaganda ng karanasan ng mga manlalakbay, ayon kay First Lady Liza Araneta-Marcos noong Biyernes.
Ginawa ng Unang Ginang ang pahayag sa harap ng mga kinatawan ng sektor ng turismo, kabilang ang mga business leader, sa Grand Tourism Night ng Manila Overseas Press Club (MOPC) sa New World Makati Hotel.
Ayon kay Marcos, kinikilala ng kasalukuyang administrasyon ang turismo bilang isa sa mga pangunahing sektor na nagpapasigla ng ekonomiya at nag-ambag ng 8.9 porsiyento sa gross domestic product (GDP) ng bansa noong 2024.
“Ito ang dahilan kung bakit ang administrasyong ito ay namumuhunan sa mas maayos na mga paliparan, mas malakas na konektibidad at mas maginhawang karanasan sa paglalakbay,” aniya.
“As my husband always says, more tourists, more jobs and more opportunities for our people. Needless to say, this cannot be done without the private sector. So, on behalf of my husband, thank you very much to all of you,” dagdag pa niya at kanya ring kinilala ang 16 na MOPC awardees.
Pinangunahan niya ang pagbibigay ng parangal sa 16 na tumanggap ng MOPC Grand Tourism Awards, kabilang ang Sonya’s Garden, Rodeo Masbateño, New World Hotel Makati, Shangri-La Hotel The Fort,
Rajah Tours and Travel, Discovery World Corporation, Clark Development Corporation, Globe Telecom, GT Capital Holdings, Aboitiz Infracapital, Alliance Global Group, Jollibee Foods Corporation, Ayala Corporation, SM Investments Corporation, San Miguel Corporation (SMC) at MVP Group of Companies.
Personal na tinanggap ng mga opisyal at presidente ng mga kumpanya ang parangal, kabilang sina SMC Chair at Chief Executive Officer (CEO) Ramon S. Ang, Alliance Global Group CEO Kevin Tan at Aboitiz Infracapital head for airports Rafael Aboitiz.
Ayon naman kay Tourism Secretary Christina Frasco, ang tagumpay ng turismo at ang paglikha nito ng trabaho para sa halos pitong milyong Pilipino ay hindi bunga ng pagkakataon.
“Ang mga ito ay resulta ng masusing mga estratehiya at inisyatibo upang matiyak ang pangmatagalang katatagan ng industriya,” paliwanag ni Frasco.
Bilang pagkilala sa kanyang kontribusyon, ginawaran din si First Lady Liza Marcos ng MOPC Transformative Power Award.
PNA

