Calendar
Vargas isusulong mas malakas na proteksiyon sa mga estudyante ukol sa mental health
BUNSOD ng tumitinding “bullying” sa loob ng mga campuses maging pribado man o pampublikong paaralan, muling binigyang diin ni House Deputy Majority Leader at Quezon City 5th District Representative Patrick Michael “PM” D. Vargas ang kaniyang panawagan para mabigyan ng kaukulang proteksiyon ang mga mag-aaral laban sa nasabing masamang gawain.
Nagpahayag ng pagkabahala at pagka-alarma ang kongresista patungkol sa lumalalang kaso ng bullying na nangyayari sa loob ng mga paaralan kung saan naaapektuhan nito ang kanilang mental health.
Dahil dito, nananawagan si Vargas para sa mas maigting na proteksiyon at support system para sa mga estudyante partikukar na ang mga nasa higher education na nakapaloob sa House Bill No. 3397 na inihain nito sa Kamara de Representantes na may titulong Campus Mental Health Improvement Act.
Ayon sa House Deputy Majority Leader, itinala ng Department of Education (DepEd) na tinatayang libo-libong kaso ng bullying (annually) ang nagaganap sa iba’t-ibang pribado at pampublikong paaralan kung saan kabilang na dito ang pisikal na pananakit hanggang sa cyberbullying.
Sinabi ni Vargas na naitala ng DepEd ang bullying mula school year 2021 hanggang 2022. Habang iniulat din ng Education Department na mayroong 404 kaso ng mga estudyante ang nagpakamatay at 2,147 naman ang nagtangkang mag-suicide dahil hindi na umano makayanan ng mga biktimang mag-aaral ang pangbu-bully laban sa kanila ng mga kapwa nila mag-aaral.
Bunsod ng pangyayaring ito, binigyang diin ni Vargas na napapanahon na upang magkaroon ng accessible at responsive mental health services para maprotektahan ang mga estudyante laban sa laganap na bullying sa loob ng mga campuses.
“Most policies zero-in on children in basic education. But many of those learners eventually move on to college still carrying the scars of bullying. This is where policy should step in at a stage when pressures are heavier and support is thinner,” wika ni Vargas.
Ipinaliwanag pa ni Vargas na layunin ng House Bill No. 3397 na ma-address ang naturang problema sa pamamagitan ng pagpapalawig sa mental at behavioral health services sa mga kolehiyo at unibersidad, pagsasanay sa mga faculty, staff at student leaders para agad nilang matugunan ang mga kaso ng mental health concerns.

