Health

PH gov’t inulat ang patuloy na pagbuti ng hangin dahil sa hakbang kontra emisyon

293 Views

ALINSUNOD sa patuloy na layunin ng Department of Environment and Natural Resources–Environmental Management Bureau (DENR-EMB) na pangalagaan ang kalusugan ng publiko at ng kapaligiran, iniulat ng ahensiya ang pagbuti ng pangkalahatang kalidad ng hangin sa bansa noong 2024.

Ito ay bunsod ng patuloy na pagsisikap na bawasan ang usok mula sa mga sasakyan kasabay ng pinaigting na kontrol ng industrial emission at pinahusay na air quality monitoring sa kalagitnaan ng termino ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

Ayon sa EMB monitoring sa taong 2024, bumuti ang kalidad ng hangin sa Metro Manila ng 17.4% batay sa Particulate Matter 10 (PM10) concentration. Kasunod ng implementasyon ng Euro 4 fuel at emission standards noong 2016, ang average concentration ng PM10 sa Metro Manila ay bumaba mula 46 micrograms per normal cubic meter (µg/ncm) noong 2016 patungo sa 38 µg/ncm noong 2024.

Ang PM10 average ay bumaba rin ng 28.2% mula 39 µg/ncm noong 2016 patungo sa 28 µg/ncm noong 2024. Ang bilang na ito ay higit na mababa sa maximum acceptable levels ng PM10 na 60 µg/ncm sa ilalim ng national air quality guideline value.

Nagtala rin ng pagbuti ng kalidad ng hangin sa Metro Manila ng 37.6% para sa PM2.5 levels na nag average ng 27 µg/ ncm noong 2016 at bumaba ng 16.86 µg/ncm noong 2024. Sa pambansang panukatan, bumaba ang PM10 mula 20 µg/ ncm noong 2016 patungo sa 16 µg/ ncm noong 2024 na nagpapakita na epektibo ang kasalukuyang emission reduction initiatives. The pasadong annual air quality guideline values para sa PM2.5 ay 25 µg/ncm.

Ang particulate matter ay binubuo ng microscopic solid o liquid particles na nananatili sa hangin, karaniwang nagmumula sa usok mula sa mga sasakyan, mga prosesong pang-industriya, paggawa ng kalsada, at mga gawaing pang-agrikultura. Ang PM10 ay tumutukoy sa particles na may sukat na 10 micrometers o mas maliit pa. Ang PM2.5 ay may mas pinong particles na may laking 2.5 micrometers o mas maliit pa. Ang mas maliit na particles na ito ang mas higit na mapanganib sa kalusugan dahil ito ay mas nakakapasok sa baga at pati sa dugo.

Ang mga tagumpay na ito ay alinsunod sa layunin ng Philippine Development Plan, partikular sa ilalim ng hangarin na bumuo ng livable communities sa pamamagitan ng pinabuting kalidad ng kapaligiran.

Noong 2024, 65 percent o 22 sa 34 highly urbanized at major urban centers ay nasa loob ng ambient air quality guideline values para sa PM10 at PM2.5, na higit sa national target na 62 percent.

Dahil ang mga mobile sources kasama ang motor vehicles ang nananatiling pangunahing nagdudulot ng air pollution, pinaigting ng EMB ang mga inisyatiba nito sa pagbabawas ng usok mula sa mga sasakyan. Mula 2022 hanggang 2024, naglabas ang Bureau ng kabuuang 1,807 Certificates of Conformity (COC) para sa mga sasakyang Euro IV-compliant. Ang mga sertipikasyon na ito ay nagpapasiguro na ang mga bagong sasakyan ay sumusunod sa mahigpit na emissions requirements bago ilabas sa merkado.

Kinokontrol ng Euro IV o Euro 4 emission standards ang maximum allowable levels ng sanhi ng polusyon mula sa mga motor vehicles, partikular ang light-duty at heavy-duty. Ang mga pamantayan na ito ay inilabas upang higit na malimitahan ang emissions ng nitrogen oxides (NOx), particulate matter (PM), carbon monoxide (CO), at hydrocarbons (HC), na nagdudulot ng air pollution at respiratory illnesses.

Sa sektor ng industriya, ipinatupad ng EMB ang Industrial Emission Monitoring Program upang mabantayan ang pagsunod ng mga pangunahing pinagmumulan ng polusyon tulad ng coal-fired power plants at cement manufacturing facilities. Binigyan ng akreditasyon ng Bureau ang 20 kumpanya na may 57 stack sampling teams noong Hunyo 2024 at 20 kumpanya na may 59 stack sampling teams noong Hunyo 2025. Ang mga third-party emission testing firms at facilities na may kakayahan para sa Continuous Emission Monitoring Systems (CEMS) at konektado sa EMB Data Center ay nakapagsasagawa ng real-time emissions tracking at sinisiguro ang pagsunod sa mga regulasyon.

Simula noong 2024, nagpapagana at nagpapanatili ang EMB ng 113 Air Quality Monitoring Stations sa buong bansa upang mas mapaigting ang air quality management. Ang mga istasyon na ito ay nakapagbibigay ng mahalagang real-time data sa mga mapanganib na air pollutants na siyang batayan ng mga air quality assessments at policy decisions.

Kapag may pagputok ng bulkan at haze events, naglalabas ang EMB ng Daily Air Quality Bulletin na may koordinasyon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC). Nabibigyan nito ng pagkakataon ang mga lokal na pamahalaan at mga komunidad na makapaghanda at maka responde ng maayos.

Aktibong pinamumunuan ng EMB ang paglipat sa Euro V fuels at engines na inaasahang makakabawas sa particulate matter emissions ng hanggang 95.5 %. Tinatrabaho din ng Bureau na maamyendahan at mapalakas ang kasalukuyang industrial emission standards sa ilalim ng Republic Act No. 8749 o Philippine Clean Air Act na nakatuon sa pagbabantay sa emissions ng particulate matter, carbon monoxide, nitrogen oxides, at sulfur oxides mula sa mga industriya.