Calendar
Asistio: Kongreso dapat pag-aralan pagtanggal ng coding exemption ng hybrid cars, EVs
IPINANUKALA ni House Committee on Metro Manila Development Chairman at Caloocan City 3rd District Rep. Dean Asistio na pag-aralang alisin na ang exemption ng number coding scheme para sa hybrid cars at electric vehicles (EVs).
Ayon kay Asistio, panahon na upang ikonsidera ang panukala dahil isa ito sa mga posibleng solusyon para maibsan ang walang katapusang problema ng trapiko sa Metro Manila, lalo na tuwing rush hour at panahon ng holidays.
“Iminumungkahi ko na dapat pag-aralan kung nararapat pa bang i-exempt sa color coding ang mga hybrid cars at electric vehicles. Dahil sa dami na ng mga ito sa kalsada, makakatulong kung hindi na sila kasama sa exemption,” pahayag ni Asistio.
Ipinaliwanag ng kongresista na dumami na ang bilang ng hybrid at EVs na bumabagtas sa mga lansangan ng Kalakhang Maynila, dahilan upang lalo pang lumala ang siksikan sa trapiko, sa kabila ng mga alternatibong transportasyon gaya ng bus carousel at MRT.
Kasabay nito, sinagot din ni Asistio ang sentimyento ng ilang may-ari ng hybrid cars at EVs na naniniwalang dapat silang manatiling exempted dahil ito lamang umano ang kanilang pangunahing transportasyon.
“Pag-uusapan natin ito kasama ang MMDA at mga miyembro ng House Committee on Metro Manila Development upang mapag-aralan kung dapat na ba talagang alisin ang exemption ng ganitong uri ng mga sasakyan,” dagdag pa ni Asistio.
Sa kasalukuyan, ang mga hybrid cars at EVs ay exempted sa number coding o Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) alinsunod sa Republic Act No. 11697 o Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA).
Layunin ng naturang batas na pasiglahin ang lokal na industriya ng EV at bawasan ang paggamit ng fossil fuel sa bansa.

