Calendar
Gatas ng ina unang depensa vs sakit
“GATAS ng ina ang siyang pinakamaayos na gatas sa lahat.”
Nagbabala si Senadora Pia Cayetano laban sa paggamit ng mga pamalit sa gatas ng ina para sa mga sanggol, habang binigyang-diin na ang pagpapasuso ay “nature’s first immunization” — likas na depensa ng katawan laban sa sakit.
Sa kanyang privilege speech sa ika-11 sesyon ng Senado, ipinaliwanag ni Cayetano na marami pa ring pamilyang Pilipino ang gumagamit ng am (tubig mula sa pinakuluang bigas), kondensadang gatas, o nilabnaw na gatas sa lata bilang alternatibo sa gatas ng ina. Aniya, “These practices do not provide adequate nutrition and add financial burdens to households.”
Batay sa datos ng 2023 National Nutrition Survey, tinukoy ni Cayetano na “only 50.4% of babies are exclusively breastfed during the first six months.” Sa kanyang paglalahad, sinabi niyang marami sa mga pamilyang nasa laylayan ng lipunan ang napipilitang gumamit ng pamalit sa gatas, kahit kulang ito sa sustansya at maaaring maging delikado sa kalusugan ng sanggol.
Bilang bahagi ng solusyon, inilahad ni Cayetano ang mga umiiral na batas na sumusuporta sa breastfeeding. Kabilang dito ang 1986 Milk Code na naglilimita sa pag-aanunsyo ng formula milk; ang 1992 Rooming-In Act na nagtatakda ng pananatili ng bagong silang na sanggol sa piling ng ina; at ang 2009 Expanded Breastfeeding Promotion Act na nag-uutos sa pagtatayo ng mga lactation station sa pampublikong lugar. Binanggit din niya ang epekto ng pagbibigay ng formula milk bilang regalo: “The milk supply of a mother is supply and demand… The more na may magregalo ng milk, edi the more na hindi na makakaproduce ng gatas ang nanay.”
Sa panig ni Senador Erwin Tulfo, kinatigan niya ang panawagan ni Cayetano at inusisa kung may sapat na pondong nakalaan sa programang ito. Ayon kay Cayetano, ₱25.9 milyon ang nakaprograma para sa infant and young child feeding sa ilalim ng Department of Health sa 2025. Gayunpaman, nilinaw niyang ito ay “not entirely for breastfeeding.” Iminungkahi ni Tulfo na dagdagan ang pondo at iginiit na dapat tiyakin ang pagkakaroon ng breastfeeding stations sa mga lalawigan at transport terminals.
Nagpahayag din ng suporta ang iba pang senador. Ayon kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa, siya mismo ay pinainom ng am noong siya’y bata pa sa Visayas. Para naman kay Senador Francis “Chiz” Escudero, “breastfeeding is the foundation of health of the child, the mother, and the next generation.”
Iginiit din ni Senadora Loren Legarda na ang pagpapasuso ay hindi lamang para sa kalusugan ng anak kundi isang pagbubuklod ng damdamin sa pagitan ng ina at ng kanyang anak.
“It is not only a health and nutrition issue, it’s also an emotional issue and a bonding moment.” ani Legarda kung saan ay ibinahagi niya ang sariling karanasan ng muling pagpasok sa trabaho matapos isilang ang anak sa pamamagitan ng caesarean section.
Iminungkahi niya ang institutionalization ng milk banks upang masigurong may mapagkukunan ng donor milk para sa mga premature at may sakit na sanggol. Sinang-ayunan ito ni Cayetano at binanggit ang mga umiiral nang milk banks sa Fabella, Cebu, at Taguig-Pateros. “We definitely want to institutionalize so that in situations like disasters, may pagkukunan nito,” aniya.
Samantala, iginiit din ni Senadora Risa Hontiveros ang kahalagahan ng breastfeeding sa konteksto ng karapatan ng kababaihan at proteksyon sa kabataan. Binanggit niyang malaki ang naitutulong ng mas mahabang maternity leave at sapat na lactation stations upang maiwasan ng mga ina ang pagdepende sa mga hindi ligtas na alternatibo.
Ayon pa sa kanya, ang breastfeeding advocacy ay mahalagang bahagi ng malawakang maternal at child health programs.
Bilang pagtatapos ng kanyang pahayag, binigyang-diin ni Senadora Cayetano na ang breastfeeding ay hindi lamang nakabubuti sa kalusugan ng sanggol, kundi nakatutulong din sa gastusing pampamilya. Nanawagan siya para sa mas malawak na pagtanggap sa breastfeeding, mas matibay na suporta mula sa pamahalaan, at patuloy na adbokasiya sa mga lugar ng trabaho at komunidad.

