Martin5 Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez

Speaker Romualdez: Pag-IBIG early promo patunay ng kalinga ng gobyerno

325 Views

PINURI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang early bird promo ng Pag-IBIG Fund na nagbibigay ng 10-year, 3-percent subsidized interest rate sa unang 30,000 na nanghihiram sa ilalim ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) program.

Sinabi ni Speaker Romualdez na ang inisyatiba ay maghahatid ng malaking ginhawa para sa mga first-time homebuyers at mahalagang hakbang tungo sa katuparan ng kanilang pangarap na magkaroon ng sariling bahay.

Pinapurihan din ng Speaker ang Pag-IBIG Fund para sa mga pagsisikap nitong gawing mas abot-kamay ang socialized housing para sa mga low-income households, at hinikayat ang nasabing institusyon na patuloy na magpakita ng inobasyon sa pagtupad ng mandato nito.

“This initiative is further proof of President Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos Jr.’s commitment to addressing the country’s housing backlog while fulfilling a basic yet often costly need of our countrymen—a decent roof over their heads,” saad ng kinatawan ng Leyte 1st District.

Dagdag pa niya, “This is what true and genuine public service is all about—assuring Filipinos that we are their partners in addressing their basic needs and in achieving their dreams for their families.”

Layon ng promo na tulungan ang mga low-income at minimum-wage earners na unang beses bibili ng bahay.

Sa subsidized interest rate, ang isang socialized housing unit na nagkakahalaga ng P850,000 na karaniwang nangangailangan ng buwanang hulog na P5,400 hanggang P5,500 ay bababa na lamang sa humigit-kumulang P3,600 hanggang P3,700.

Kinakailangan ng mga aplikante sa Metro Manila na may buwanang kita na hindi hihigit sa P47,800, habang sa mga nasa labas ng National Capital Region ay hindi hihigit sa P34,800 bawat buwan. Saklaw din ng special promo ang mga overseas Filipino worker anuman ang kanilang kita.

Sinabi ni Speaker Romualdez na ang subsidized interest rate ay nagreresulta sa malaking tipid para sa mga low-income families na nahihirapang balansehin ang gastusin sa bahay at iba pang pangangailangan.

“Ang matitipid nila ay maaari nang gamitin ng ating mga kababayan para sa ibang pangangailangan, gaya ng pagkain, gamot, o edukasyon ng kanilang mga anak. Isa itong patunay ng pagkalinga ng pamahalaan para sa mga kapos-palad nating kababayan na nagsusumikap matupad ang kanilang mga pangarap,” aniya.

Hinikayat niya ang mga nagnanais na magkaroon ng sariling bahay na samantalahin ang first-come, first-served offer, na inaasahang magpapabilis ng Pag-IBIG loan applications at ng pagpapatayo ng socialized housing units sa ilalim ng 4PH program.

Ipinahayag ni Speaker Romualdez ang kanyang optimismo na hindi ito magiging huling hakbang ng Pag-IBIG Fund upang gawing tunay na inclusive at accessible ang socialized housing para sa low-income families.

“Kumpiyansa kaming mga mambabatas na ipagpapatuloy ng Marcos administration, sa pamamagitan ng Pag-IBIG Fund at iba pang ahensya, ang pagpapalawig ng socialized housing para sa ating mga kababayan. Dapat maramdaman ng ating mga kababayan na sandigan nila ang pamahalaan sa pagbuo at pag-abot ng kanilang mga pangarap,” aniya.

Tiniyak din ng Speaker ang kanyang patuloy na suporta para sa mas maganda at makatarungang loan terms, gayundin para sa iba pang hakbang na tutulong sa mga pamilyang Pilipino na mas madaling makapagmay-ari ng sariling tahanan.

Binanggit din niya ang ulat ng Pag-IBIG Fund na kumita ito ng P4.27 bilyon mula sa investments nito sa unang kalahati ng 2025, mas mataas ng 51.79 porsiyento kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Dahil dito, umabot sa P28.04 bilyon ang net income ng state-run firm sa unang anim na buwan ng taong ito, katumbas ng 15.25 porsiyentong pagtaas kumpara sa nakaraang taon.

“As we observe transparency and fiscal prudence in deliberating the proposed P6.793-trillion national budget for 2026, we in the House of Representatives will continue to keep close watch on the Pag-IBIG Fund’s management of our countrymen’s contributions. This will ensure that it can deliver affordable home financing products while guaranteeing competitive earnings on members’ savings,” ani Speaker Romualdez.

Dagdag pa niya, “This is what public service in a Bagong Pilipinas is all about—offering a helping hand to our countrymen as they strive to achieve their dreams, while assuring them that their hard-earned money is invested prudently for their future.”