Abante1 Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr.

Abante hinimok PCUP, CHR: Imbestigahan demolisyon sa Maynila

339 Views

UMAPELA si Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. sa Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) at sa Commission on Human Rights (CHR) na imbestigahan ang ginagawang demolisyon sa 20 pribadong bahay sa Barangay 647, Maynila, sa gitna ng mga ulat na nalabag ang karapatan ng mga apektadong residente.

Si Abante, na siyang pinuno ng House committee on human rights, ay nagsabing pormal na niyang hiniling sa CHR na bumisita sa lugar at magsagawa ng sariling independiyenteng imbestigasyon, kasabay ng kanyang panawagan sa PCUP na alamin kung nasunod ba ang tamang proseso.

Ayon sa lider ng Kamara, iniulat ng kapitan ng Brgy. 647 na si Ch. Suharto Buleg na 15 sa 20 target na may-ari ng bahay ay nabigyan lamang ng notice of demolition noong Agosto 7—isang iskedyul na kanyang inilarawan bilang “clearly inadequate and inconsistent with the requirements of due process.”

“The Constitution guarantees the right to due process. Demolition without proper consultation, without sufficient notice, and without the coordination mandated with PCUP, is a violation of our people’s basic rights,” ani ng mambabatas.

Binigyang-diin niya na ang kawalan ng koordinasyon sa PCUP ay nagbubukas ng seryosong katanungan ukol sa pagsunod sa umiiral na regulasyon, na nagtatakda ng pakikilahok ng naturang ahensya sa mga eviction at demolisyon.

“Kung hindi natin igagalang ang proseso, ang talo dito ay mga ordinaryong pamilya na mawawalan ng tirahan,” ani Abante.

“Ang bawat tahanan ay hindi basta-basta pader at bubong lamang. These are the homes of families who may have nowhere else to go,” dagdag niya.

Umapela ang beteranong mambabatas sa Lungsod ng Maynila na suspindehin ang mga aktibidad ng demolisyon hanggang sa makapagsagawa ng kani-kanilang imbestigasyon ang PCUP at CHR, at matiyak na ang mga residente ay nabibigyan ng tamang proseso at makataong pagtrato.

Idiniin niya na “as public officials, our duty is not only to enforce laws but to uphold justice. Any action that tramples on the rights of our citizens is not only illegal but immoral.”

“Proverbs 31:9 reminds us: ‘Open thy mouth, judge righteously, and plead the cause of the poor and needy.’ If we fail to do this, then we betray the very people we are sworn to serve,” aniya.