Rep. Legacion

Legacion nananawagan sa House leadership para i-ban online gambling ads

Mar Rodriguez Aug 21, 2025
490 Views

MULING kinakalampag ni neophyte Camarines Sur 3rd District Representative Nelson S. Legacion ang liderato ng Kamara de Representantes upang agad itong kumilos patungkol sa pagba-ban ng mga advertisements sa online gambling.

Sa kaniyang privilege speech sa Plenaryo ng Kamara, binigyang diin ni Legacion na ang laganap na online gambling na unti-unting sumisira sa buhay at kinabukasan ng bawat mamamayang Pilipino ay mistulang “silent epidemic” na nanunuot sa mga tahanan, paaralan at komunidad sa pamamagitan lamang ng smartphones, computers at smart TVs.

Sinabi pa ni Legacion na ang agresibong marketing strategies ang nagiging sanhi upang ang maraming mamamayan ay unti-unting magumon sa pagsusugal kung saan nauubos ang lahat ng kanilang kabuhayan gaya ng isang ama ng tahanan na isinangla ang kanilang tricycle para lamang mabayaran ang kanilang malaking pagkaka-utang.

Ipinahayag pa ng Bicolano solon na may mga nanay din ang napilitang magbenta ng kanilang mga gamit para lamang makapag-sugal, ilang estudyante ang isinasalripisyo ang kanilang matrikula para magsugal at maraming pamilya ang nawawasak dahil sa isa sa kanilang miyembro ang lulong sa sugal.

“Fathers pawning their tricycles to settle debts, mothers selling their meager belongings to gamble. Students risking their tuition fees, these are not isolated incidents but harsh reality many Filipino families face today,” ani Legacion sa kaniyang talumpati.

Dahil dito, tahasang sinabi ni Legacion na ang online gambling ay mistulang “lason” na nakakubli sa paglilibang o entertainment.

Ikinababahala din ng mambabatas ang laganap na gambling advertisements sa social media, streaming platforms at online games na “accessible” maging sa mga menor de edad.

To God be the Glory