Castro1

Palasyo: Mga paratang ni VP Sara laban kay PBBM fake news

257 Views

SINABI ng Malacañang na ang mga paratang ni Bise Presidente Sara Duterte laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay hindi totoo o fake news.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, “Lahat ng kwento niya ay para siraan ang Pangulo.”

Ginawa ng Palasyo ang pahayag bilang tugon sa mga akusasyon ni Duterte mula sa isang panayam sa The Hague, Netherlands. Ipinahayag ni Duterte na sinubukan umanong pigilan ni Marcos ang kanyang pagbibitiw bilang Kalihim ng Edukasyon noong Hunyo 2024, at inalok pa umano siya ng ibang posisyon sa gobyerno. Dagdag pa ni Duterte, amoy alak umano ang Pangulo sa kanilang pagkikita—isang alegasyong tinawag ng Palasyo na walang basehan at malisyoso.

Uminit ang isyu matapos tawagin ni Castro na “kumpletong kabiguan” ang pamumuno ni Duterte sa Department of Education (DepEd) mula Hunyo 2022 hanggang Hunyo 2024.

Ibinunyag ni Castro na inamin mismo ni Duterte na wala siyang kaalaman sa paggawa ng Matatag curriculum. “Ang alam niya lang daw gawin ay magpukpok ng tao para magtrabaho,” aniya.

Dagdag pa ng Palasyo, iniwan ni Duterte ang mga hindi nareresolbang isyu sa DepEd gaya ng 1.5 milyong laptop at tablet na hindi naipamahagi, at ang nawawalang P100 milyon dahil sa pekeng student voucher scam—na ayon kay Castro ay agad namang naaksyunan ni bagong DepEd Secretary Juan Edgardo Angara.

Binatikos din ni Castro ang iba pang alegasyon ni Duterte tulad ng umano’y binagong police report mula Beverly Hills at ang “polvoron video” na peke rin umano.

“Walang katotohanan ang mga kwento niyang ito laban kay Pangulong Marcos Jr.,” giit ni Castro.

Sa pagtatapos, pinuri ni Castro ang sipag ng Pangulo at ikinumpara ito kay Duterte: “Hindi siya tulad ng iba na 4:53 p.m. darating sa venue para sa SONA kahit na 4 p.m. dapat ang SONA”—isang malinaw na patama kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.