Martin2

Malasakit ni PBBM pinatunayan ng reporma ng DMW para sa domestic helpers — Speaker Romualdez

390 Views

DMWPINURI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang mga repormang ginagawa ng Department of Migrant Workers (DMW) upang mapabuti ang kalagayan ng mga overseas Filipino domestic helpers, isa umanong patunay ng malasakit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa karapatan at dignidad ng mga makabagong bayani ng bansa.

Ayon sa DMW, itataas sa US$500 mula US$400 ang buwanang sahod ng mga Filipino domestic helpers. Ipatutupad ito 60 araw matapos mailabas ang direktiba at isasama sa lahat ng kontratang dadaan sa DMW.

Pinuri ni Romualdez ang naturang reporma at iginiit na bukod sa mas malaking maipapadala ng mga manggagawa sa kanilang pamilya, nakatutulong din ito upang itaas ang pagkilala at dignidad ng kanilang trabaho sa pandaigdigang merkado ng paggawa.

“Like other OFWs toiling in far-away lands, Filipino domestic workers perform work of equal value that deserves fair compensation. These reforms are not only to ensure that they can send more to their families back home, but to promote the dignity of work as members of the labor force,” ani Romualdez.

Kabilang sa mga idinagdag na proteksyong inilunsad ng DMW ang libreng taunang medical check-up, mandatory “know your employer” video call bago lumagda ng kontrata, at digital monitoring system na tinawag na “Kamusta Kabayan” para sa regular na pagsubaybay sa kalagayan ng mga manggagawa.

Magkakaroon din ng mas mahigpit na housig standards ng mga recruitment agency at mas istriktong whitelisting policy para matiyak na tanging maayos at legal na ahensya lang ang makakapagpadala ng domestic helpers sa abroad.

“These measures reflect our government’s genuine compassion for our OFWs and will help ensure that they are treated in a just, humane, and dignified manner by their employers,” ayon pa sa pinuno ng Kamara.

Binigyang-diin ni Romualdez na ang mga repormang ito, na may nakalaang pondo mula sa administrasyon ni Marcos, ay malinaw na patunay na kapakanan ng mga OFW ang isa sa pangunahing prayoridad ng Pangulo.

Para sa taong 2026, P10.2 bilyon ang nakalaang budget para sa DMW, kabilang ang P1.2 bilyon para sa Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFW na Nangangailangan (AKSYON) Fund at P1.3 bilyon para sa Emergency Repatriation Program. Samantala, P3.45 bilyon ang inilaan sa OWWA, kung saan P2.42 bilyon ang para sa social protection at welfare programs ng mga OFW at kanilang pamilya.

“We in the House of Representatives will see to it that programs that will support and benefit OFWs and their families receive adequate budgetary support under the administration of President Marcos, who has consistently shown his genuine care and compassion for our OFWs. This is our commitment as public servants under a Bagong Pilipinas,” wika ni Romualdez.

Tiniyak ni Romualdez sa mga migranteng manggagawang Pilipino na ang Kamara ay katuwang ng pamahalaan upang isulong ang pagprotekta sa kanilang karapatan at sa pagtulong na maisakatuparan ang kanilang mga pangarap.

“Walang dadaig sa galing at giting ng Pilipinong manggagawa, dito man o sa ibang bansa. Bilang mga lingkod-bayan, kami sa pamahalaan ay katuwang ng ating mga OFW sa pagyabong ng ating mahal na Pilipinas at sa pagbuo ng kanilang mga pangarap para sa kanilang mga pamilya,” pahayag ni Romualdez.

“Ganito natin dapat pahalagahan at parangalan ang ating mga Bagong Bayani: sa pamamagitan ng paglingkod na tapat, may kalinga, at itinataguyod ang kanilang kapakanan at dignidad,” dagdag pa ng lider ng Kamara.