Valeriano Manila Rep. Rolando Valeriano, Baguio City Mayor Benjamin Magalong

Valeriano kay Magalong: Paggamit ng moro-moro insulto sa mga Muslim na nagbibigay-buhay sa Baguio

346 Views

KINONDENA ni Manila Rep. Rolando Valeriano si Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa paggamit ng salitang “moro-moro” upang maliitin ang imbestigasyon ng Kamara sa maanomalyang flood control projects at sinabi na ito ay insulto sa mga Muslim, na mayroong malaking ambag sa ekonomiya ng Baguio City.

“Muslims are builders of Baguio’s economy. They run businesses, sustain livelihoods, and power the city’s night market, one of the country’s most iconic tourist attractions,” ani Valeriano, chairman ng House committee on public order and safety.

Ayon sa mambabatas, dahil sa sipag ng mga Muslim ay nagkakaroon ng maraming trabaho, lumalago ang kita ng lungsod at nananatiling buhay ang turismo sa Baguio.

“To demean them with a careless phrase is unacceptable and unjust,” ayon pa sa mambabatas.

Tinukoy ni Valeriano na daan-daang Muslim vendors at negosyante ang bumubuo sa puso ng Night Market sa Harrison Road, na gabi-gabing dinadagsa ng mga mamimili at turista.

“The night market is not just a tourist stop. It is an economic engine, and at its center are Muslims whose enterprise and resilience drive Baguio’s growth,” dagdag pa ni Valeriano.

Nauna nang inihalintulad ni Magalong sa isang “moro-moro” ang nakatakdang imbestigasyon ng Kamara, bagay na ikinagalit ng mga lider na Muslim sa Kongreso.

Ayon kay Deputy Speaker Yasser Balindong, ang paggamit ng ganoong termino ay paninira sa Moro people, kaya hinimok niya si Magalong na humingi ng paumanhin sa Kongreso at sa Moro community.

Nasaktan din si Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong sa pahayag, at hinamon si Magalong na humarap mismo sa Kongreso at ilahad ang mga pangalan at ebidensya imbes na akusahan ang buong institusyon.

Iginiit naman ni Valeriano na maglabas si Magalong ng ebidensya o bawiin ang akusasyon.

“If there are names, state them under oath. If there is proof, submit it to the hearings. Otherwise, stop maligning Congress and stop insulting the Moro people,” pahayag ng kongresista.

Nilinaw ni Valeriano na nasa unang bahagi pa lamang ang imbestigasyon ng Kamara sa P545-bilyong flood control program, na pinamumunuan ng tri-committee.

Bagama’t wala pang pormal na pagdinig, nakapagbigay na ng briefing ang Department of Public Works and Highways sa House committee on public accounts.

“Congress is not engaging in theatrics. It is fulfilling its mandate to protect public funds,” ani Valeriano.

“To prejudge the process and at the same time insult the Moro people, who are vital to Baguio’s prosperity, is reckless and indefensible,” giit pa ng mambabatas.