Leviste

Leviste kakasuhan DPWH engineer na nanuhol para di matuloy probe sa flood control projects

Alfred Dalizon Aug 25, 2025
458 Views

Leviste1KINUMPIRMA ng Tanggapan ni Batangas 1st District Congressman Leandro Legarda Leviste na mayroong isasampang kaso laban sa Department of Public Works and Highways engineer na nagtaka umanong suhulan si Cong. Leviste upang hindi na ipagpatuloy ang imbestigasyon sa mga flood control projects.

Nakatakdang isampa ang kaso, Agosto 26, 2025, sa Batangas Provincial Prosecutor ni Cong. Leviste laban sa nasabing DPWH engineer.

Tiklo sa mga pulis noong Biyernes ang 51-anyos na district engineer sa Batangas na nagtangkang umanong suhulan ng P3.2 million ang mambabatas kapalit ng hindi pag-imbestiga sa mga maanomalyang proyekto sa lalawigan.

Base sa report ng Police Regional Office 4-A, ang suspek na si alyas Abe sa Balayan, Batangas ang nanubok na manuhol. Nakatira ito sa San Pablo City, Laguna.

“He offered to dissuade Cong Leviste from investigating DPWH projects in the 1st District,” sabi sa report kay PRO4-A director Brigadier General Jack Wanky.

Nahuli ang engineer sa Brgy. Poblacion Zone, Taal, Batangas bandang alas-7:45 ng gabi. Nakuha sa pag-aresto sa suspek ang P3,126,900 na nakalaan bilang suhol sa congressman.

Resulta ang pagkakatiklo sa manunuhol sa utos ni President Ferdinand R. Marcos Jr. na imbestigahan ang malawakang corruption sa mga antiflood projects na hinahawakan ng DPWH.

Sinabi ni PNP chief General Nicolas D. Torre III na handa silang makipagtulungan sa imbestigasyon kung uutusan sila.