Quiboloy Manila Rep. Rolando Valeriano, Pastor Apollo Quiboloy

Valeriano sa extradition ni Quiboloy: Kung di sangkot sa gusot, walang dapat ikatakot

296 Views

HINAMON ng chairman ng House committee on public order and safety ang gobyerno na ipakita ang seryosong paninindigan ng Pilipinas laban sa human trafficking, kasunod ng hiling ng Estados Unidos na ma-extradite si Pastor Apollo Quiboloy.

Kasabay nito ay nanawagan si Manila Rep. Rolando Valeriano ng pagpapalakas ng gobyerno ng mga hakbang upang mas maprotektahan ang mga mahihinang sektor laban sa sistematikong pang-aabuso.

Sinabi ni Valeriano na ang mga akusasyon laban kay Quiboloy—trafficking ng kababaihan at maging ng mga menor de edad sa pamamagitan ng panlilinlang, puwersa at pamimilit—ay napakabigat kaya’t ang anumang pag-antala sa kanyang extradition sa US ay maituturing na pambabastos sa mga biktimang matagal nang naghihintay ng hustisya.

Ayon sa mambabatas, dapat ipakita ng gobyerno sa buong mundo na hindi nito poprotektahan ang sinuman at hahayaan ito na mapanagot sa kanyang mga maling ginawa.

“Every day of delay emboldens abusers. If Quiboloy is truly innocent, then let him prove it in a court of law. But hiding behind technicalities while victims carry their trauma is the clearest sign of guilt,” ani Valeriano.

Nahaharap si Quiboloy sa indictment sa US para sa sex trafficking at nalagay sa wanted list ng Federal Bureau of Investigation (FBI), habang sa bansa ang pastor ay nakakulong kaugnay ng kasong qualified trafficking at child abuse na inihain laban sa kanya.

Para kay Valeriano, ipinapakita ng pagkakaroon ng mga kaso sa bansa at sa Estados Unidos ang lawak ng problema at iginiit na walang sinumang dapat mailigtas mula sa hustisya dahil lamang sa impluwensya o koneksyon nito sa pulitika.

“The FBI has listed him, US prosecutors have indicted him, and sanctions have been imposed. What more proof do we need that this man must face trial in the US?” aniya.

Ipinaliwanag ni Valeriano na sa ilalim ng PH-US Extradition Treaty, posible ang provisional arrest at pansamantalang pagsuko kahit may mga nakabinbing kaso sa mga korte ng Pilipinas ang isang Pilipino.

Bilang chair ng House committee on public order and safety, sinabi ni Valeriano na tungkulin niyang tiyakin na hindi magiging safe haven ang Pilipinas para sa mga trafficker o pugante.

Nagbabala siya na ang network ng mga tagasunod at yaman ni Quiboloy ay maaaring magdulot ng panganib sa mga komunidad at sa mga tagapagpatupad ng batas kung patuloy na mag-aatubili ang mga awtoridad.

“Public order is about protecting our people from predators who use power, wealth and influence to prey on the weak. Kaya dapat lang na harapin niya ang mga kaso niya sa US. Kung walang kasalanan, eh di walang dapat ikatakot,” sabi niya.

Nanawagan din siya sa Department of Justice at sa Department of Foreign Affairs na tapusin ang kalituhan sa extradition process at maglabas ng malinaw na timeline ng mga hakbang na nagawa at nakabinbin pa.

“Victims of trafficking risked everything to tell their story. The least we can do is guarantee that the one they accused of abuse faces the courtroom instead of enjoying safe harbor here,” dagdag pa ng mambabatas.