internet

Kalida ng internet gaganda sa pagpasok ng mga providers

404 Views

PANAHON na para lawakan ang internet access sa Pilipinas.

Ito ang panawagan nina Senate President Francis “Chiz” G. Escudero at Senador Alan Peter Cayetano, kung saan ay iginiit nila na ang “Konektadong Pinoy” Act ay isang makasaysayang tagumpay na magpapababa ng gastos sa internet at magpapalawak ng digital access sa buong bansa.

Para kay SP Chiz at Cayetano, mahalagang hakbang ito upang tuluyang mabigyang-solusyon ang digital divide lalo na sa mga malalayong komunidad partikular na makatutulong sa maraming mag aaral sa mga liblib na lugar sa ating bansa

Ayon kay Escudero, ang batas—na kilala rin bilang Open Access in Data Transmission Act—ay isang “giant step” para sa mas inklusibong konektividad. Ipinunto niyang sa pamamagitan ng pagpasok ng mas maraming internet service providers, inaasahang bababa ang presyo ng serbisyo at gaganda ang kalidad nito. “The Philippines has one of the highest internet connectivity costs in the world… [but] this is about providing greater access to information and markets to Filipinos who live far from the cities and in remote areas,” ipinaliwanag niya.

Binigyang-diin niya ang malaking pakinabang ng batas sa sektor ng edukasyon, lalo na sa mga estudyanteng nangangailangan ng mabilis at maaasahang koneksyon. “Mahal na, mabagal pa at hindi reliable,” aniya, habang nananawagan sa mga malalaking kumpanya ng telecom na makiisa sa layunin ng pamahalaan na dalhin ang internet “sa bawat bayan at baryo sa Pilipinas.”

Samantala, inilahad ni Cayetano—na nagsulong ng panukala sa ika-19 na Kongreso—na ang batas ay isa sa mga pangunahing hakbang sa modernisasyon ng ICT framework ng bansa. “We welcome this law that modernizes our digital infrastructure, ensuring that all Filipinos have access to affordable, quality, and up-to-date information and communication technologies,” pahayag niya noong Agosto 24, 2025, nang tuluyang maging batas ang panukala matapos itong mag-lapse into law.

Iginiit ni Cayetano na dapat nakaangkla ang pagpapatupad ng batas sa mga umiiral na programa tulad ng E-Governance Act, ang paglikha ng Department of Information and Communications Technology, at ang national digital highway plan. “Kasi kahit anong gaganda ng plano mo for ICT, kung di ka rin connected, wala ring mangyayari,” aniya.

Sa ilalim ng “Konektadong Pinoy” Act, pinasimple ang proseso para sa mga bagong provider na makapasok sa merkado, itinakda ang minimum service standards, inobliga ang infrastructure sharing, at binigyang-priyoridad ang konektividad sa mga lugar na malapit sa paaralan. Kabilang din sa mga probisyon ng batas ang student discounts at libreng WiFi sa mga paaralan upang higit na matulungan ang mga mag-aaral.