Hontiveros

Risa iginiit: Soberanya tungkol sa pagbabantay sa proseso, di lang sa teritoryo

161 Views

NABAHALA si Senadora Risa Hontiveros kaugnay ng usaping pambansang seguridad matapos maaresto ang isang negosyanteng umano’y nagpapanggap bilang Pilipino at nakapasok pa sa hanay ng Philippine Coast Guard (PCG) Auxiliary.

Ang nasabing negosyante ay inaresto kamakailan ng Bureau of Immigration dahil sa umano’y paggamit ng pekeng dokumentong pagkakakilanlan upang makuha ang Filipino citizenship.

“Parang si Alice Guo Part 2 ito: nagpapanggap na Pilipino, may pekeng passport, at mga pekeng ID. Mukhang andyan pa rin ang mga butas sa pagproseso ng ating nasyonalidad,” ani Hontiveros, habang binigyang-diin ang kahinaan sa kasalukuyang sistema ng pagkilala sa nasyonalidad.

Ayon sa senadora, ang nasabing negosyante ay nakapasok sa PCG Auxiliary noong 2018 at itinalaga bilang Auxiliary Commodore sa ilalim ng General Orders No. 155-A, na pirmado ng dating mga opisyal ng Coast Guard. Bagama’t ang PCG Auxiliary ay isang boluntaryo at non-government unit, iginiit ni Hontiveros na may access pa rin ito sa sensitibong impormasyon at mga aktibidad.

“Kapag nalulusutan ang ating mga institusyon at papeles, nalulusutan rin ang ating soberanya.”

“We should look into who enabled him and how deep his network goes,” aniya.

Sa paggunita ng Araw ng mga Bayani, ipinaalala ni Hontiveros ang kahalagahan ng pagbabantay hindi lamang sa mga teritoryo kundi pati na rin sa mga dokumento at institusyong bumubuo sa ating pambansang pagkakakilanlan.

“Ngayong Araw ng mga Bayani, alalahanin natin na hindi lamang sa teritoryo nasusukat ang ating soberanya. Bantayan din natin ang ating mga institusyon, proseso, at maging mga dokumento na nagpapatunay ng ating pagka-Pilipino. Nakataya rin dito ang ating watawat,” pagtatapos niya.