Lacson

Lacson: Naarestong DPWH engineer sa ‘flood control suhol’ di lang nag-iisa

413 Views

IBINUNYAG ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang umano’y katiwalian sa Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos maaresto ang isang district engineer na nagtangkang suhulan ang isang kongresista.

Ayon kay Lacson, ang engineer ng DPWH Batangas na nasangkot sa isang tangkang panunuhol kay Rep. Leandro Leviste ay hindi pangunahing suspek kundi isa lamang sa mga opisyal ng DPWH na nagsisilbing tagapagdala ng pera o “bagman” para sa mga kontratista.

“(The engineer) is far from being a ‘big fish.’ His arrest reinforces my theory that some DPWH officials… have already been relegated to being ‘legmen’ and worse, ‘bagmen’,” ani Lacson.

“Somebody more powerful must be behind this whole scheme,” dagdag pa ni Lacson. Iminungkahi niyang magsagawa ng malalim na imbestigasyon ang PNP-CIDG o NBI upang matukoy ang mga nasa likod ng tangkang panunuhol.

Binigyang-diin ni Lacson na hindi sapat ang basta pagtanggal ng ilang tiwaling opisyal sa ahensya. Aniya, “Kicking out people is just a simple solution. Hindi ganoon. Dapat talaga, kasi systemic na. Kaya kailangan surgical ang solution. Di pwede ang tapal tapal.”

Samantala, kinumpirma ng Office of Senate President Francis Escudero na pirmado na ang subpoena para sa mga kontratistang posibleng sangkot sa kaso. Gayunpaman, ayon sa staff, maaaring hindi pa ito naipapadala dahil walang kopya ang Chief of Staff bunga ng holiday.