LTO

LTO inilagay sa alarma sasakyan sa hit and run ng lola, 74

Jun I Legaspi Aug 26, 2025
241 Views

INILAGAY ng Land Transportation Office (LTO) sa alarm status ang sasakyan na nag hit-and-run sa 74-anyos na babae sa Marikina City noong nakaraang linggo.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, nabigyan na ng show cause order ang may-ari ng Cherry Tiggo 5X Pro na sangkot sa aksidente.

Batay sa imbestigasyon, nakakuha ang mga imbestigador ng LTO ng kopya ng CCTV na nagpakita ng insidente sa A. Bonifacio Avenue, Brgy. Tañong, Marikina City na kinasangkutan ng isang 74-anyos na pedestrian.

“Nakunan sa CCTV ang insidente, kung saan makikita ang pagkakasalpok at ang pagtapon sa biktima na patunay ng bigat ng pinsalang idinulot,” ayon kay Asec. Mendoza.

Subalit sa halip na tumulong, mabilis na tumakas ang nagmamaneho ng sasakyan.

Sa kabutihang-palad, nakuha ng LTO ang detalye ng sasakyan na nagbigay-daan upang matukoy ang may-ari nito.

Nahaharap ang driver sa mga kasong paglabag sa Duty of the Driver in Case of Accident, Reckless Driving at pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle.