Calendar
SP Chiz sa contractors: Kayo ay sumipot, kundi kayo’y lagot
BINALAAN ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang mga contractor na sangkot umano sa iregular na mga proyektong flood control na sundin ang subpoena ng Senado kung ayaw maisyuhan ng arrest warrant.
Kinumpirma ni Escudero na nilagdaan na niya ang lahat ng subpoena na inihain ng Senate Blue Ribbon Committeena pinamumunuan ni Sen. Rodante Marcoleta.
Target ng pagdinig sa Sept. 1 ang ilang opisyal ng construction companies na may kinalaman sa mga umano’y ghost flood control projects sa iba’t-bang bahagi ng bansa.
“Napirmahan na yun last week pa. Lahat ng hiniling ng Blue Ribbon Committee sa pamumuno ni Sen. Marcoleta ay pinirmahan ko,” aniya.
Layon ng imbestigasyon na silipin ang posibleng katiwalian sa likod ng ilang multibilyong pisong flood control project na pinondohan ngunit hindi naisakatuparan.
Binigyang-diin ni Escudero ang pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno sa wastong paggasta ng pondo ng bayan.
“Kung naglilipana ngayon ang kaliwa’t kanan na akusasyon, marapat at dapat naman talagang imbestigahan at parusahan kung sino man ang nasa likod nun,” dagdag pa niya.
Binigyang-pansin ni Escudero ang malalim na problema ng conflict of interest—kung saan ang mga kamag-anak ng opisyal ng pamahalaan ay pinapaboran sa mga kontrata.
Kaugnay nito, inihain niya ang Senate Bill No. 783 na nagbabawal sa mga kamag-anak (hanggang ikaapat na antas ng relasyon) ng mga opisyal na makapasok sa anumang kontrata sa gobyerno.
Ipinunto niya na sa pagsasara ng butas sa batas, mababawasan ang puwang para sa katiwalian.

