Rep. Asistio

Asistio nanindigan para sa total ban ng online gambling

Mar Rodriguez Aug 26, 2025
246 Views

NANININDIGAN ang Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Caloocan City 3rd District Representative Dean Asistio na dapat na talagang puksain at magkaroon ng total ban sa online gambling.

Para kay Asistio, hindi na aniya dapat pang magpatumpik-tumpik ang pamahalaan laban sa laganap na online gambling sa pamamagitan ng pagsasagawa ng total ban para masolusyunan ang problema ng addiction ng ilang mamamayan sa pagsusugal partikular na ang mga kabataan.

Ikinatuwiran ni Asistio na bagama’t malaking buwis ang nalilikom ng gobyerno mula sa online gambling, anong saysay ng malaking ganansiya kung maraming pamilya naman ang sinisira ng pagsusugal.

“Para sa akin dapat i-ban na talaga ang online gambling dito sa ating bansa. Sabi ng ating pamahalaan, malaking pondo ang kanilang nalilikom duon sa buwis na nakukuha sa online gambling. Pero para sa akin, aanuhin mo ang laki ng pondo na nakukuha kung marami rin pamilya ang sinisira dahil sa online gambling,” sabi ni Asistio.

Iginiit ng Metro Manila solon na napakahirap aniyang kontrolin ang online gambling sapagkat marami siyang mga kakilala sa kaniyang Distrito na kahit ang isang menor-de-edad ay nakakapag-sugal sa pamamagitan ng online.

Dahil dito, sinabi pa ni Asistio na panahon na talaga para lansagin at i-ban ang online gambling dahil habang tumatagal ay napakaraming buhay ang unti-unti nitong winawasak.

“Kaya para sa akin, siguro it’s about time na totally i-ban na ang online gambling. Ito ay para maprotektahan naman natin yung mga pamilya na sinisira ng iba’t-ibang sugal na inaalok nitong online gambling,” dagdag pa ni Asistio.

To God be the Glory