Madrona

50% discount sa MRT, LRT para sa mga estudyante pinapurihan

Mar Rodriguez Aug 26, 2025
233 Views

Madrona1PINAPURIHAN ni Romblon Lone District Representative Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona ang naging inisyatiba ng Department of Transportation (DOTr) at Department of Education (DepEd) sa pamamagitan ng pagbibigay ng 50% fare discount para sa mga estudyanteng sumasakay ng Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT) papasok sa kanilang paaralan.

Ipinaliwanag ni Madrona na ang inilunsad na inisyatiba ng DOTr at DepEd ay isang napakagandang hakbang para maibsan ang mabigat na gastusing pinansiyal ng mga magulang para sa kanilang mga anak.

Ayon kay Madrona, kapuri-puri din ang ipinakitang malasakit ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. dahil sa paglulunsad nito ng “whole-of-government approach” para matulungan ang mga magulang sa kanilang napakabigat na financial burden sa pamamagitan ng pagbabayad ng matrikula, pamasahe at baon ng kanilang mga anak.

Nauna rito, inihayag ng DOTr at DepEd ang pagpapatupad nila ng 50% fare discount para sa mga estudyante sa mga linya ng MRT at LRT para maiparamdam din sa mga mag-aaral at kanilang magulang ang taos pusong malasakit at suporta ng pamahalaan.

Samantala, nag-courtesy call naman sa tanggapan ni Madrona sa Kamara de Representantes si Police Brig. General Roel C. Rodolfo, acting Regional Director ng Police Regional Office MIMAROPA.

Nabatid na binigyang diin sa ginanap na pag-uusap nina Madrona at Rodolfo ang pagpapatibay ng collaboration sa pagitan ng law enforcement at local government para sa crime prevention upang tiyakin na magiging ligtas ang bawat komunidad sa Romblon at karatig lalawigan nito.