Calendar
Magsino pinayuhan OFWs na iwasan vs sideline
PINAYUHAN din ng OFW Party List Group ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na maghunos-dili sila sa pagsa-sideline o mas kilala bilang moonlighting para makaiwas ang mga ito sa mas malaking problema na maaari nilang kaharapin mula sa bansang pinagta-trabahuhan nila.
Dahil dito, sinang-ayunan ni dating OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” P. Magsino ang naging pahayag ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac na dapat sundin ng mga OFWs ang batas na pinaiiral o pinapatupad sa bansang pinagta-trabahuhan nila para hindi sila maharap sa mabigat na problema katulad ng sinapit ng 6 na Filipina sa Hong Kong.
Ayon sa ulat, anim na Filipinang OFWs sa Hong Kong ang inaresto matapos silang mag-sideline sa isang dental clinic na itinuturing na illegal sapagkat ito ay hindi alinsunod at hindi saklaw ng kanilang kontrata (employment contract) at visa. Ang pagmo-moonligting ng anim na OFWs ay itinuturing na illegal sa ilalim ng batas ng Hong Kong.
Kaya pinaalalahanan ni Magsino ang mga kababayan nating OFWs na maghinay-hinay sa kanilang mga kilos habang nasa ibang bansa lalo na ang pagsa-sideline sapagkat may mga bansa na mahigpit na ipinagbabawal ang pagtanggap ng trabaho na labas sa kanilang employment contract at posibleng maharap sila sa mabigat na problema kung hindi sila magpapa-awat sa pagsa-sideline.
Bagama’t lubos na nauunawaan ni Magsino ang mahigpit na pangangailangan ng mga OFWs para matustusan ang mga pangangailangan ng kanilang pamilya dito sa Pilipinas. Subalit sabi ng dating kongresista na hindi nila dapat isa-alang alang o isakripisyo ang kanilang sarili para lamang madagdagan ang kanilang kinikita.
Pagbibigay diin ni Magsino na gustuhin man ng mga OFWs na madagdagan ang kanilang kinikita. Subalit mas kinakailangan nilang maunawaan na ang pagsa-sideline ay hindi talaga katanggap-tanggap at illegal sa ibang bansa gaya ng Hong Kong.
Pinaalalahanan pa ni Magsino ang mga OFWs na mas makabubuting sundin at igalang na lamang nila ang batas ng kanilang host country para hindi sila matulad sa anim na Pinay sa Hong Kong.
Samantala, tuloy-tuloy ang pagbibigay ni Magsino ng TUPAD para sa mga OFWs at kanilang pamilya sa pakikioag-tulungan nito sa Department of Labor and Employment (DOLE) kung saan tinatayang mahigit 159 beneficiaries mula sa probinsiya ng Cavite ang nabiyayaan ng tulong.

