Calendar
Senado pinarangalan si Eala
PORMAL na kinilala ng Senado ng Pilipinas ang 17-anyos na tennis sensation na si Alexandra “Alex” Eala sa pamamagitan ng isang resolusyon bilang pagkilala sa kanyang makasaysayang tagumpay sa US Open.
Pinangunahan ni Senador Risa Hontiveros ang paglalabas ng Senate Resolution No. 92 na nagbibigay-pugay kay Eala “for her historic victory at the US Open, and for being an inspiration to Filipino women and girls in sports.” Inaprubahan ang resolusyon noong Agosto 27, sa ika-13 sesyon ng Senado.
Ginulat ni Eala ang mundo ng tennis nang talunin niya si world no. 14 Clara Tauson ng Denmark sa isang tatlong-set na laban, 6-3, 2-6, 7(13)-6(11), sa Flushing Meadows.
Sa panalong ito, siya ang kauna-unahang Pilipino na nagtagumpay sa main draw match ng isang Grand Slam tournament.
Ayon sa Senado, ang tagumpay ni Eala ay hindi lamang personal na tagumpay kundi isang pambansang inspirasyon. Iginiit ni Hontiveros na “her victory is especially significant for Filipino women and girls,” dahil nagbibigay ito ng lakas at pag-asa sa mga kababaihang nagnanais pumasok sa larangang matagal nang may kakulangan sa representasyon ng mga Southeast Asian.
Binigyang-diin din sa resolusyon ang kahalagahan ng mga katangiang taglay ni Eala gaya ng disiplina, tiyaga, at kababaang-loob—mga pagpapahalagang hinahangaan at dapat tularan.
Kasabay nito, nanawagan ang Senado ng patuloy na suporta sa kababaihan sa sports. Tinukoy sa resolusyon ang kahalagahan ng gender-inclusive programs at grassroots development upang mas marami pang Filipina ang makamit ang tagumpay gaya ni Eala.
Sa kabuuan, ang tagumpay ni Eala sa US Open ay itinuturing na bagong pag-asa para sa Philippine tennis at isang patunay ng potensyal ng atletang Pilipino sa pandaigdigang entablado.

