Calendar
Miyembro ng Kamara aprub sa gusto ni PBBM na lifestyle check
SUPORTADO ng mga miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na magsagawa ng lifestyle check sa mga opisyal ng pamahalaan, na sisimulan umano sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
“Ako, pabor ako riyan. Kung nais ng Pangulo na simulan sa DPWH, ayos lang, no? Pero kinakailangan lahat…lahat ‘yan, pati Hudikatura, lahat na. Talagang magkaroon ng lifestyle check. Pabor ako sa sinabi ng Pangulo,” pahayag ni Manila Rep. Bienvenido Abante Jr., tagapangulo ng House Committee on Human Rights, sa isang press conference.
Ayon naman kay Rep. Terry Ridon ng Bicol Saro Party-list, na siyang namumuno sa House Committee on Public Accounts, hindi magiging problema kung sakaling saklawin ng lifestyle check ang mga miyembro ng Kongreso at ng hudikatura.
“Sa tingin ko, ang panawagan ng Pangulo ay para sa lahat, pero sigurado rin akong nirerespeto niya ang co-equality ng mga sangay ng pamahalaan,” sabi ni Ridon.
“Wala namang problema kung magkaroon din ng lifestyle check sa mga miyembro ng Kongreso, pati sa hudikatura. Kailangan talagang maging all-encompassing ito, at higit sa lahat, may inaasahan sa mga opisyal at kawani ng pamahalaan na mamuhay nang simple at marangal,” dagdag pa niya.
“Napakahalaga na hindi lang ang DPWH ang ma-subject sa lifestyle check, kundi lahat ng ahensya at bawat sangay ng pamahalaan,” pagtatapos ni Ridon.

