WOD

House Quad Comm iimbestigahan koneksyon ng Duterte drug war sa kaso ng missing sabungeros

185 Views

IIMBESTIGAHAN ng House Quad Comm ang posibleng koneksyon ng kaso ng 34 nawawalang sabungero sa madugong kampanya kontra iligal na droga ng administrasyong Duterte.

Ito ang sinabi ni Manila Rep. Bienvenido Abante Jr., chairman ng House Committee on Human Rights na bahagi ng Quad Comm, bilang tugon sa tanong kung may kaugnayan ba ang pagkawala ng mga sabungero sa drug war ni Duterte.

Sa isang press conference nitong Huwebes, sinabi ni Abante na ilan sa 18 pulis na iniimbestigahan ng National Police Commission kaugnay ng kaso ng mga e-sabong enthusiasts ay dati ring sangkot sa kampanya kontra droga ng nakaraang administrasyon.

“Yes, in fact, nabanggit po ito ng CIDG na talagang meron mga ilang kapulisan natin among the 18 na naging involved din sa reward system ng war on drugs,” ani Abante.

“Now, atin pong bubusisiin ‘yan sapagkat ang next na gagawin natin is sa Quad Comm na eh after this. Ibig sabihin talagang…sa Quad Comm., deretsong hearing na ito, so they will take an oath,” dagdag niya.

Giit ng kongresista, nais malaman ng mega panel ang katotohanan.

“So, gusto nating malaman ang talagang ano, ilan sa kapulisan na nasa kustodiya ngayon ng ating Philippine National Police ang naging involved sa reward system ng war on drugs noong araw. And hindi ko sinabi na meron, sila mismo ang nagsabi na meron, Sila mismo ang nagsabi niyan,” paliwanag ni Abante.

Inihayag din niya na iimbitahan ng Quad Comm ang lahat ng 18 pulis, kabilang ang anim na napatalsik na sa serbisyo, sa gagawing pagdinig sa susunod na buwan.

Pinuna pa ni Abante na tila walang malinaw na patutunguhan ang imbestigasyon sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

“We are going to invite lahat ‘yan, no, ang involved na-implicate sa missing sabungeros. Kasi bakit kahapon, sinabi ko nga kahapon na this (human rights) committee is quite disappointed, no, sapagkat parang walang nangyayari sa investigasyon although andyan ang DOJ, andyan ang CIDG, andyan ang NAPOLCOM that are actually investigating,” aniya.

“So, lalo natin makikita po ito when we have the Quad Comm, sapagkat gusto natin talaga makita na itong mga rogue policemen na ito na under preventive suspension, ang iba ay na-dismiss na, ang iba ay exonerated pa. So we’d like to find out kung ano talaga itong mga ito,” dagdag ni Abante.

Samantala, sinabi naman ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, chairman ng House Committee on Public Accounts, na ang imbestigasyon ng DOJ sa pagkawala ng mga sabungero noong panahon ng administrasyong Duterte ay usapin ng pananagutan at hustisya.

“‘Yung usapin po ng missing sabongeros, usapin po talaga ‘yan ng pagpapanagot at usapin din po yan ng hustisya. Kasi sa totoo lang, meron po talagang mga pamilyang up until today, hinahanap po nila ang kanila pong mga mahal sa buhay,” aniya.

“Ibig sabihin, whatever you feel about how they did their lives, very important po talaga na hindi ginagawa po ‘yung mga ganyang bagay. At kung ginawa naman na kung sino man pong tao, pulis man ‘yan, mataas na tao sa sektor ng pagsasabong, e dapat po silang mapanagot,” dagdag ni Ridon.