Abante1

VP Duterte hinamon patunayan alegasyon sa kontrobersya sa school building project

287 Views

HINAMON ng dalawang lider ng Kamara si Vice President Sara Duterte na maglabas ng ebidensya sa alegasyon nito na ilang mambabatas ang nakinabang sa pondo ng Department of Education (DepEd) para sa school building program sa 2024.

Ayon kina Rep. Bienvenido “Benny” Abante ng Maynila at Rep. Terry Ridon ng Bicol Saro Party-list, dapat igalang ni Duterte ang kapangyarihan ng Kongreso na suriin ang pondo ng bayan at huwag maglabas ng akusasyon nang walang katunayan.

Binigyang-diin ni Abante na tungkulin ng mga mambabatas na suriin at imbestigahan kung paano inihahain, inilalaan, at ginagamit ang pambansang budget.

“I think the VP should realize that Congress has all the right to scrutinize the budget, because we have the power of the purse, whether it be the Senate or the House,” ani Abante.

“Ang nais natin lamang sa kanyang sinasabi that she would produce evidences no. Bigyan niya kami ng mga ebidensya ng mga sinabi niya tungkol sa mga bagay na ito. And let Congress investigate and review it, meron naman tayong oversight committees to that eh, ‘di ba,” dagdag pa ng Manila solon.

Giit niya, ang mga akusasyong walang sapat na batayan ay nagbubunsod ng hindi makatarungang hinala laban sa institusyon at sa mga miyembro nito.

“I mean hindi naman pwedeng bigla kang magsasalita in a general term na wala ka namang ipo-produce na mga ebidensya. We’d like some evidences to be shown, di ba.

And I would like just the VP to realize that sina-submit lamang sa amin ang pondo na dapat naming imbestigahan and that is the right of the Congress to do that,” paliwanag pa ni Abante.

Nabanggit ni Duterte ang isyu bilang tugon sa mga tanong kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y anomalya sa anti-flood projects kung saan binanggit ng Bise Presidente na hindi lang umano dito nangyayari ang korapsyon kundi maging sa mga school building at iba pang programa ng DepEd, na diumano’y hinati-hati ng ilang mambabatas ang pondo.

Samantala, kinumpirma ni Ridon, na siyang mamumuno sa Infrastructure Committee na mag-iimbestiga sa ghost at substandard infrastructure projects, na dapat masaklaw ng kasalukuyang imbestigasyon ang lahat ng proyekto sa iba’t ibang ahensya at timeframe, at hindi lamang ang flood control works.

“Well, tama ho ‘yun. Actually, very important ho ‘yung binabanggit niya dapat ho all-encompassing no, yun pong review ng all infrastructure projects. And very important din po na talaga hong hindi lang tayo limited,” ani Ridon.

Ipinaliwanag niya na malawak ang mandato ng komite para suriin ang mga nakalipas at kasalukuyang proyekto, kabilang ang mga paaralan, kalsada, tulay, at iba pang pasilidad na ipinatutupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) o iba pang ahensya ng gobyerno.

“In fact, I think the mandate of the infrastructure committee is not naman just po on flood control projects no. It includes all infrastructure projects and more importantly it includes a very expanded timeline. So ibig sabihin, if you are able to find projects that have been ghosted, projects that are substandard at any time, but what’s implemented by any government we will do it,” dagdag pa ng mambabatas.

Binigyang-diin ni Ridon na puwedeng isama sa imbestigasyon ang mga alegasyon ng Bise Presidente kung may ebidensya. Tinitiyak ng proseso na patas ang pagsusuri at maaaring siyasatin ang anumang iregularidad, kahit kailan pa ito nangyari.

“So kasama po ‘yan mga binabanggit na mga school buildings, even roads and bridges po basta inimplement po DPWH or whichever agency of government,” paliwanag pa ni Ridon.