Calendar
Magalong sinabihan na ‘wag excited much, pagdinig ng Infra-Comm malapit ng magsimula
PINAYUHAN ng mga lider ng Kamara si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na hintayin ang pormal na imbitasyon ng Mababang Kapulungan para masabi ang kanyang mga alegasyon at ilabas ang kanyang mga hawak na ebidensya kaugnay ng anomalya sa mga infrastructure project.
“Nakausap ko na po si Congressman Terry [Ridon] dyan, na pagka sya ang tatawag ng imbestigasyon, ang sabi niya sa akin eh maghintay lang siya (Magalong). Maghintay lang sya, aabot po tayo dyan sa ganyang imbestigasyon,” ani Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante, chair ng House Committee on Human Rights.
Nauna rito, ilang ulit na sinabi ni Magalong na hinahamon siya ng Kongreso na tumestigo ngunit hindi pa rin siya nakatatanggap ng opisyal na imbitasyon.
Binigyang-diin ni Abante na pagbibigyan ng Kamara ng buong kortesiya ang alkalde kapag siya ay dumalo, at tiniyak na hindi siya haharapin nang may pagka-hostile taliwas sa kanyang mga pangamba.
“Bibigyan namin sya ng respect bilang mayor ng Baguio City at talagang kortesiya sapagkat siya na ang nagsabi na meron talaga dito na involved. Ang nais lang namin ay humarap siya, mag-take siya ng oath, ipangalan niya at ibigay niya lahat ng ebidensya tulad ng sinabi nya sa ating Pangulo,” ani Abante.
Dagdag pa ng mambabatas, hindi dapat mabahala si Magalong dahil ipadadala rin sa kanya ang pormal na imbitasyon para humarap sa imbestigasyon.
“Pag siya ay naimbitahan po at sya ay iimbitahan po one day, wag siyang mag-alala, darating po iyan imbitasyon na iyan at sabihin po nya sa taongbayan, sino man yan, ano man ‘yan,” aniya.
Sumang-ayon din si Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, chair ng House Committee on Public Accounts, at sinabi na bibigyan ng buong respeto si Magalong kapag ito ay tumestigo, ngunit kinakailangan muna nitong magbigay ng buong detalye sa ilalim ng panunumpa.
“To reiterate again what we have stated before, malaya po si Mayor Magalong na magpunta po sa Kongreso like what Cong. Benny have stated the invitation to him will come in time,” ani Ridon.
Binigyang-diin niya na dapat magharap si Magalong ng kongkretong ebidensya at hindi lamang mga alegasyon.
“But again, the requirements for him to do this, is to first to do it under oath and particularly disclose the 67 lawmakers that he is saying are contractors. And secondly, the list of lawmakers that he has na tumatanggap po ng 30-40% kickbacks ano. But if he will do this under oath, he will be afforded all the respect and the dignity sa pagpunta po sa isang committee ng Kongreso,” dagdag ni Ridon.
Mariing binigyang-diin ni Abante na suportado ng Kamara ang exposé ni Magalong ngunit kinakailangang may pangalan at dokumentong susuporta sa kanyang mga pahayag.
“Gusto ko lang linawin, I’m not actually against Mayor Magalong eh. Sinusuportahan ko sya sa kanyang expose. Ang kinakailangan lang talaga namin malaman sino-sino yung mga taong ‘yan. Ang binanggit nya meron 67, o sino yung 67 na yan na involved dyan ano at alam nya, marami syang alam,” aniya.
Nang tanungin kung iimbitahan si Magalong sa September 2 hearing hinggil sa mga flood control project sa Bulacan, nilinaw ni Ridon na hindi pa siya isasama.
“No, I don’t think he has personal knowledge dun sa Bulacan issues. Succeeding weeks po,” ayon kay Ridon.
Ngunit iginiit ni Abante na malapit na ring maganap ang pagdalo ng alkalde.
“Anyway, again I’d like to tell Mayor Magalong, it’s very commendable for him na ako I support him on the expose that he did. I hope it’s not politics. Yun lang akin. Kung hindi politics ito, he would be willing to be invited sa panawagan namin dito for him to expose that,” sabi ni Abante.

